May political will pero walang legal system sa Pilipinas. At ayon nga kay Kwok, hindi sapat ang political will kailangan ay may legal system kung saan seryosong talakayin ang kaso ng mga corrupt, dalhin sa Korte at ikulong sila. Ganyan ang nararapat para madurog ang mga corrupt sa bansang ito.
Tama si Kwok. Wala ngang legal system sa bansang ito. Nasabi niya ito sapagkat lumabas sa pag-aaral ng Supreme Court na inaabot ng pitong taon ang kaso bago maisampa sa Sandiganbayan. Hindi makapaniwala si Kwok sa nalaman. Pang-world record daw ito. Imagine, inaabot ng pitong taon ang kaso bago makarating sa Sandiganbayan. At baka lalong manlaki ang mga mata ni Kwok kapag nadiskubre na sa tagal nang pamamayani ng mga corrupt sa mga ahensiya ng gobyerno ay wala ni isa mang nabibilanggo. Pawang imbestigasyon lamang ang nangyayari.
Kamakalawa, isang babaing empleado sa Customs ang sinampahan na ng kaso ng Sandiganbayan dahil bumagsak sa lifestyle check. Mabuti naman at umabot na sa Sandiganbayan ang kaso niya pero gaano kaya naman katagal bago maibaba ang hatol. At ano naman ang hatol ng Korte? Suspensiyon?
Ang babaing empleado sa Customs ay may sahod lamang na P300,000 annually pero marami siyang mamahaling sasakyan, may ekta-ektaryang lupain at nakapagta-travel sa ibat ibang bansa kasama ang pamilya. Siguro rin ay nangingintab ang kanyang katawan sa alahas.
Ganitong mga klaseng corrupt ang madali lang daw maitapon sa kulungan ayon kay Kwok. Iyan ay kung may legal system ang Pilipinas. Kaso nga ay wala kaya, patuloy ang mga corrupt. Wala silang takot at hindi nababahag ang buntot. Sana ay magdilang-anghel si Kwok na mawalis na ang mga salot.