Bilib ka ba?

MAY pagkakataon sa ating buhay na dahil sa mali nating pag-aakala, tayo’y nakapaghuhusga nang mali sa isang tao. Minsa’y naitatanong natin sa ating sarili, o di kaya sa isang kapwa: Ano ba ang mapapala ko riyan? May maganda bang ibubunga iyan para sa akin? Ano’ng pakinabang diyan para sa akin?

Ganoon din ang nangyari kay Natanael, isang Israelita, nang siya’y hikayatin ni Felipe upang sumunod kay Jesus (Jn. 1:45-51).

Hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, "Natagpuan namin si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayon din ng mga propeta." "May magmumula bang mabuti sa Nazaret?" tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, "Halika’t tingnan mo.

Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Jesus, "Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!" Tinanong siya ni Natanael, "Paano mo po ako nakilala?" Sumagot si Jesus, "Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos." "Rabi, ikaw po ang Anak ng Diyos! Ikaw ang Hari ng Israel!" sabi ni Natanael. Sinabi ni Jesus, "Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!" At sinabi niya sa lahat, "Tandaan ninyo: Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!"


Nang malaman ni Natanael na siya pala ay nakita na ni Jesus sa ilalim ng puno ng igos bago pa siya tawagin ni Felipe, saka pa lamang niya ipinahayag ang kanyang paniniwala kay Jesus: "Ikaw po ang Anak ng Diyos!"

Kailangan pa bang may mangyaring "himala" sa ating buhay upang kilalanin natin na si Jesus ang Anak ng Diyos? Ano ba talaga ang ating pag-aakala tungkol kay Jesus?

Show comments