Mahal ang langis, mura ang sahod

NAKATUTULIG na ang mga nagbibintang sa gobyerno ng pagtaas ng presyo ng langis. Wala naman sa kontrol ng Pilipinas ang krudo. Mahal talaga ang Texas crude, $67 kada bariles, dahil sweet oil na madali at mura i-refine kaya in-demand. Mura sana ang sour grade Dubai crude na angkat ng Pilipinas, $48. Pero dahil magastos i-refine, at sinabayan pa ng banta ng atakeng terorista sa Middle East, naging kapresyo na halos ng sa Amerika.

Ang dapat isisi sa gobyerno ay hindi ang pagmahal ng langis, kundi ang kaliitan ng kita ng karaniwang tao at ang patuloy na pag-urong ng halaga ng piso niya.

Sa Amerika ang presyo ng regular unleaded ay kuwenta P33.96 per liter; ang premium, P38.66. Pero ang karaniwang minimum wage du’n ay $7 (P389.52) an hour, o P2,726.64 sa karaniwang pitong oras na kayod.

Sa Pilipinas, mas mababa nga ang gasolina: P32.54 ang regular, P33.42 ng premium. Pero ang minimum wage ay nasa P300 kada araw.

Kumbaga, ang isang litro ng regular ay 1% lang ng arawang sahod sa Amerika, pero 11% ng arawang sahod sa Pilipinas. At tuwing taas ng presyong gasolina, taas din ang lahat: pagkain, pasahe, kuryente, damit, tubig, gamit sa pagsaka o pangingisda o pagkakawani. Kaya gupong-gupo ang Pilipino.

Maraming sanhi ng kaliitan ng sahod at pagbaba ng halaga ng piso. Pero, lahat ito ay maiuugat sa kahinaan ng gobyerno. Hindi ito nagpapasa ng mga batas na magaakit ng negosyo; sa halip, puro away at nakawan ang inaatupag. Hindi kinokolekta ang tamang buwis mula sa mayayaman; nagbibigay pa nga ng katakut-takot na diskuwento. Hindi nito iginigiit ang family planning para mabawasan ang pag-aanak at pagbigat ng buhay; nakikipaglarong-pulitika ang gobyerno sa Simbahan.

Maaalalang prinsipe si Moses sa Egypt nang tapikin siya ng Diyos na pamunuan ang kapwa-Hudyo na makalaya sa kahirapan at kaapihan. Tinalikuran ni Moses ang kasaganaan, at tiniis ang hirap sa pagsunod sa utos ng Diyos. Ang utos na iyon ay maging matulungin sa kapwa.

Show comments