Marami sa mga sundalo ang kapit sa patalim. Kakarampot ang kanilang kinikita kaya baon sa utang. May pagkakataong ang kanilang rasyong bigas ay hindi naibibigay. Marami sa mga sundalong nakadestino sa malayong lugar sa Mindanao ay hindi agad nabibigyan ng rasyong pagkain kaya sa sariling bulsa nila kinukuha ang pambili ng bigas at sardinas. Maraming sundalo na butas-butas ang suot na combat boots at uniporme.
Isa sa mga mabigat na problema ng mga sundalo ay kawalan nila ng sariling lupa at bahay. Kakatwa na mayroong nakalaang libingan sa kanila sa sandaling mamatay pero walang maipagmalaking sariling lupat bahay. Marami sa kanila ang nangangarap na magkabahay pero iyon ay hanggang sa pangarap na lamang.
May low-cost housing project para sa mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang balitang ito ay ikinatuwa ng mga sundalo. Ito na yata ang katuparan ng kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Pero kung gaano kabilis ang namutawing ngiti sa mga labi, ganoon din iyon kabilis umasim. Paanoy mga matataas na opisyal lamang pala ng AFP ang may karapatan sa low cost housing project.
Ang housing project para sa mga sundalo ay nasa Fort Bonifacio, Taguig City. Ang mga condominium ay nakatirik sa isang lugar na tinawag na Bonifacio Heights. Pero ang mga condominium unit ay hindi para sa mga may ranggong private first class, korporal o sarhento kundi sa mga brigadier general o liutenant general. Umanoy may nakareserba nang unit sa Bonifacio Heights sina AFP chief of Staff Lt. Gen.Generoso Senga, Army chief Hermogenes Esperon at Southern Luzon Command (Solcom) chief Maj. Gen. Pedro Cabuay. May nakareserba na rin umano sa retirado at dating AFP chief of Staff na si Gen. Efren Abu. Umanoy dalawang unit pa ang inokupa ni Senga na nagkakahalaga ng P2.4 million.
Maraming karaniwang sundalo ang walang bahay at lupa. Matagal na nilang pangarap na magkabahay kahit kasinglaki ng bahay ng posporo pero... wala silang palad.