^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Maraming sundalo ang walang sariling bahay pero…

-
MAHIRAP ang buhay ng sundalo. Nakatapak ang isang paa nila sa hukay sa bawat operasyong isasagawa. Hindi nila alam kung makababalik pa sila nang buhay. Kung ikukumpara sa buhay ng mga pulis, mas mahirap ang buhay ng mga karaniwang sundalo. Ang mga sundalo’y nakahiwalay sa ka-nilang pamilya sapagkat palipat-lipat ng destino. Hindi maaaring bitbitin nang karaka ang pamilya. Ang mga pulis bagamat mahirap din ang kalagayan ay hindi makapapantay sa hirap na dinaranas ng mga karaniwang sundalo sa kasalukuyan.

Marami sa mga sundalo ang kapit sa patalim. Kakarampot ang kanilang kinikita kaya baon sa utang. May pagkakataong ang kanilang rasyong bigas ay hindi naibibigay. Marami sa mga sundalong nakadestino sa malayong lugar sa Mindanao ay hindi agad nabibigyan ng rasyong pagkain kaya sa sariling bulsa nila kinukuha ang pambili ng bigas at sardinas. Maraming sundalo na butas-butas ang suot na combat boots at uniporme.

Isa sa mga mabigat na problema ng mga sundalo ay kawalan nila ng sariling lupa at bahay. Kakatwa na mayroong nakalaang libingan sa kanila sa sandaling mamatay pero walang maipagmalaking sariling lupa’t bahay. Marami sa kanila ang nangangarap na magkabahay pero iyon ay hanggang sa pangarap na lamang.

May low-cost housing project para sa mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang balitang ito ay ikinatuwa ng mga sundalo. Ito na yata ang katuparan ng kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Pero kung gaano kabilis ang namutawing ngiti sa mga labi, ganoon din iyon kabilis umasim. Paano’y mga matataas na opisyal lamang pala ng AFP ang may karapatan sa low cost housing project.

Ang housing project para sa mga sundalo ay nasa Fort Bonifacio, Taguig City. Ang mga condominium ay nakatirik sa isang lugar na tinawag na Bonifacio Heights. Pero ang mga condominium unit ay hindi para sa mga may ranggong private first class, korporal o sarhento kundi sa mga brigadier general o liutenant general. Umano’y may nakareserba nang unit sa Bonifacio Heights sina AFP chief of Staff Lt. Gen.Generoso Senga, Army chief Hermogenes Esperon at Southern Luzon Command (Solcom) chief Maj. Gen. Pedro Cabuay. May nakareserba na rin umano sa retirado at dating AFP chief of Staff na si Gen. Efren Abu. Umano’y dalawang unit pa ang inokupa ni Senga na nagkakahalaga ng P2.4 million.

Maraming karaniwang sundalo ang walang bahay at lupa. Matagal na nilang pangarap na magkabahay kahit kasinglaki ng bahay ng posporo pero... wala silang palad.

BONIFACIO HEIGHTS

EFREN ABU

FORT BONIFACIO

GENEROSO SENGA

HERMOGENES ESPERON

MARAMI

MARAMING

PEDRO CABUAY

SUNDALO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with