Ninoy, dakila ka

Dati siya ay masiglang kabataan

Laging tumutulong sa mga magulang;

Aktibo sa campus masipag mag-aral

Kaya nang magtapos ay may karangalan!

Palibhasa’y sadyang matalas ang ulo

Siya’y nakatulong sa maraming tao;

Sumiklab ang giyerang US at Koreano

Nag-war correspondent -— balita’y totoo!

Pagbalik sa bansa’y tumakbong senador

Sinuwerte kaagad at doo’y naukol;

Ang buong panahon kanyang iniukol

Gumawa ng batas na sa baya’y tulong!

Bilang isang ama saka pulitiko

Ginamit ni Ninoy matalas na ulo;

Sa mga debate kalaban ay henyo

Pati ang diktador sinagupa nito!

Sa tabil ng dila’t talim ng isipan

Binangga ni Ninoy makapangyarihan;

Siya ay dinakip na parang kriminal

Mahabang panahong nasa bilangguan!

Habang nakakulong ay kanyang naisip

Sa US paggamot ng sakit ng dibdib;

Kaya nang payagang Siya’y makaalis

Ang puso at diwa ay Kanyang ginamit!

Kahi’t nasa abroad di siya tumigil

Kung pa’nong aalpas ang bayang hilahil;

At kahi’t alam n’yang siya’y papatayin

Sa kanyang pag-uwi’y di Siya napigil!

Habang bumababa ng airplane sa tarmac

Binaril si Ninoy -— katawa’y bumagsak;

Wala siyang kaba at wala sa utak

Na ang Kanyang buhay ay para sa lahat!

Show comments