Malaki ang problema sa edukasyon ngayon sapagkat lumabas sa pag-aaral ng isang non-government organization (NGO) na anim sa 100 Grade 6 students lamang ang maaaring makapag-high school. Mas matindi naman ang nakitang depekto sa mga high school students sapagkat mas mababa ang bilang ng mga maaaring makapag-college sa kanila. Ayon sa pag-aaral, dalawa lamang sa bawat 100 high school students ang maaaring makapag-college.
Ayon sa KAAKBAY Citizens Development Initiatives, na nagsagawa ng pag-aaral, ang kakulangan ng resources at bulok na pamamahala ang dahilan kung bakit nalugmok sa kumunoy ang educational system ng Pilipinas. Ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay pasama nang pasama at patuloy pa sa pagbagsak habang lumilipas ang panahon. Ayon pa sa KAAKBAY, hindi maaaring makipagkumpetensiya ang mga elementary at high school students. Mahina sila sa Math, Science at English. Nasa No. 41 ang Pilipinas sa Science at No. 42 naman sa Math ayon sa isang survey na kinapapalooban ng 45 bansa.
Isa rin naman sa nakagigimbal na dahilan kung bakit pabobo nang pabobo ang mga estudyante ay sapagkat mahihina rin ang mga nagtuturong guro. Problema rin ang kakulangan ng mga guro, classrooms at mga textbooks. Isa sa bawat tatlong estudyante ay walang libro at dalawa sa walong estudyante ay naghihiraman sa isang libro.
Patindi nang patindi ang krisis sa edukasyon at kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa sistema, kawawa ang bansa. Dapat mapagtuunan ng gobyerno ang problemang ito sapagkat dito nakasalalay ang pag-unlad ng bansa. Kung patuloy sa paghina ang mga estudyante ano ang mangyayari sa hinaharap. Saan pupulutin ang bansa. Malalampasan ng mga katabing bansa? Gumawa ng hakbang ang itatalagang bagong secretary ng departamento para mabago ang bulok na sistema.