Abay pag-amin ito na nagamit lang ang Senado sa propaganda ng Oposisyon laban sa Administrasyon. Matapos isangkot ng witness ni Sen, Ping Lacson si PNP chief Art Lomibao sa payola, ihihinto nila ang inquiry nang hindi man lang siya pinagbibigyang tumuligsa. Sinangkot na naman ang mag-asawang Bong at Lilia Pineda, miski ilang inquiry na mula 1989 sila tinawag na jueteng lords, tapos wala na namang kasuhan. Binanggit na jueteng lord din si Batangas Gov. Armand Sanchez, kasapi ni Liberal Party ni Senate President Frank Drilon, pero hindi man lang siya isasalang. Ni hindi inusisa si Lacson at mga tuta sa PNP nung 2000 na nagpahinto nga ng jueteng, pero para lang isingit ang Bingo 2-Ball na prankisa ni Joseph Estrada.
Kung basta ihihinto lang ang jueteng hearings, lalabas na ginamit lang din ang krusada ni Bishop Oscar Cruz kontra sa ilegal na sugal. Kaya pala humiyaw na rin si Archbishop Orlando Quevedo na paninirang-puri lang ang inquiry imbes na pag-aaral ng solusyong batas.
Dapat ituloy ang jueteng inquiry. Itigil na nga ang propaganda, pero laliman na ng mga senador ang pag- susuri. Alamin nila kung bakit hindi nasugpo ang jueteng nang isang siglo. Bilangin nila kung ilan ang kabo at kobrador sa Luzon. Tingnan nila kung paanong lumilipat ang 200,000 ito sa droga o snatching o kidnapping tuwing may anti-jueteng drive. Basahin nila kung paano winasak sa Amerika at Uropa ang iba pang mala-jueteng na illegal numbers games. Saka sila magpasa ng batas at maglaan ng pondo para matigil na sa wakas ang larong nanggagantso sa mahihirap.
Kung ihihinto ang jueteng inquiry nang basta, mapapatotoo ang hinala ng madla na tamad o pulpol ang mga senador.