Kakatwa pa na nang mangyari ang holdapan ay nagseselebreyt ang EPD ng kanilang 32nd founding anniversary. Dumalo sa kasayahan si National Capital Regional Office (NCR-PO) chief Director Vidal Querol at iba pang matataas na opisyales ng EPD. Kasalukuyang kumakain umano at masayang nagkukuwentuhan sina Querol at iba pang police officials nang ratratin ng anim na lalaki ang nakaparadang armored van sa harap ng Discovery Center. Nakuha ang duffel bag. Walang kahirap-hirap na tumakas ang anim na holdaper.
Ang nakapagtataka, wala ni isang pulis na nagpapatrulya sa nasabing lugar. Ang mga pulis na dapat sana ay nagra-rounds sa Ortigas Center ay nasa harapan ng Robinsons Galleria at ewan kung ano ang binabantayan doon. Kalahating kilometro mula sa pinangyarihan ng holdap ay may satellite office kung saan ay naka-base ang mga matitinik (kuno) na special weapons and tactics team (SWAT).
Wala sila. Walang-wala kaya malayang nakasalakay ang mga halang ang kaluluwa.
Hindi lamang ang mga holdapan sa banko ang namamayani sa kasalukuyan. Patuloy din ang holdapan sa mga pampasaherong jeepney, bus at FX taxis. Sabi ng PNP, bubuhayin ang mga secret marshals sa mga bus para maprotektahan ang mga pasahero sa mga holdaper. Natupad ba ito? Sabi ng PNP, paglalakarin ang mga pulis para magpatrulya sa mga matataong lugar. Nasaan sila? Noong nakaraang linggo, isang 11-anyos na batang Tsinoy ang kinidnap sa Sta. Cruz, Manila. Ang lugar ng insidente ay malapit lamang sa police station pero walang namalayan ang mga pulis. Nasaan sila sa oras ng pangangailangan?
Nasaan ang mga pulis? Nasa ilalim ng tulay ba?