Bukod sa marami pang ibang puna sa Konstitusyon, pinanukala ang pagbago tungo sa parliamentary system at federal form. Sa parliamentary, hahalal lang ng mga representante kada distrito, na siya namang hihirang ng Prime Minister. Mula rin sa mga representante hihirang ang PM ng mga miyembro ng Gabinete. Sa federal, magkakaroon ng sari-sariling parliament ang bawat rehiyon, na may poder na magpasa ng sari-sariling batas at regional budgets. Mapapailalim lang lahat sa national parliament sa larangan ng defense, foreign policy at iba pang usaping pambansa.
Isinulong ang Charter change nung mga huling buwan ng termino ni Fidel Ramos. Naudlot dahil pinaghinalaan siyang nagbabalak lang palawigin ang termino. Sinubukan muli ni Joseph Estrada mag-Charter change; bumuo pa nga siya ng komisyon para pag-aralan ang mga dapat na amyenda. Naudlot muli dahil na-impeach at nag-resign siya. Binara ni Gloria Arroyo nung una ang Charter change; wala naman daw problema sa Konstitusyon. Nagbago ang isip niya nung kampanyang 2004; sinama niya ito sa kanyang plataporma. Naudlot muli nang manalo siya. Tinuon niya ang pansin sa fiscal deficit at bagong buwis.
Ngayon, dahil sa jueteng at Gloria-gate scandals, 72% ng Pilipino ay nais nang umalis si Arroyo. Mai-impeach na siya at maari pang mapatalsik kung mapatunayang nagkasala. Binuhay na naman ang Charter change, pero para lang magkaroon siya ng graceful exit. Puputulin na lang ang termino niya sa ilalim ng isang bagong Konstitusyon, para hindi na litisin. Nasira ang esensiya ng Charter change; naging pakanang politikal na lang.