Gumagawa ng hakbang ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng ilang mahahalagang programa tulad ng Botika ng Bayan ng Philippine International Trading Corporation (PITC) ni Sec. Obet Pagdanganan.
Sa proyektong ito, nag-aangkat ng mura, tunay, at de-kalidad na gamot ang PITC mula sa bansang India kung saan higit na mababa ang presyo, di tulad ng kaparehong gamot na mabibili ng mahal sa Pilipinas.
Maging sa ilang bansa sa Asya at Europa ay tinatangkilik na rin ang mga gamot na galing sa India. Itoy dahil maraming pharmaceutical company sa bansang ito na suportado naman ng kanilang lokal na pamahalaan.
Pero ang problema, hinaharang ng ilang malala- king grupo, partikular na ng Coalition Against Fake Medicine ang programang ito. Ang kanilang dahilan, peke raw ang mga gamot ng PITC dahil hindi rehistrado sa Bureau of Food and Drugs (BFAD).
Sinu-sino ba ang nasa likod ng Coalition? Lumalabas na "territorial" ang labanan ng mga gamot sa ating bansa. Ibig sabihin, kapag hindi ka rehistrado sa BFAD at hindi ka miyembro ng "kartel", peke ka.
Kayat kahit magkaparehong brand pa ang gamot, bastat imported, peke. Lumalabas, talo pa rin ang mahihirap nating mga kababayan. At siguradong panalo ang mga sindikato sa pagpapakalat ng mga pekeng gamot.
Tulad ng ibang produktong pinepeke sa ating bansa, iisa lamang ang nakikita naming problema, ang mataas na presyo nito. Wala itong pinagkaiba sa mga naglipanang pekeng DVD at VCD.
Hanggat hindi ibinababa ng mga malalaking pharmaceutical company ang presyo ng kanilang produkto, patuloy ang paghihirap ni Juan dela Cruz. Habang naiipit si Juan dela Cruz, patuloy itong kakapit sa mga mura at di siguradong mga gamot.
At habang patuloy ang ganitong kalakaran, tuloy ang pagyaman ng sindikato ng mga pekeng gamot.