Pagdadalamhati

ANG pagdadalamhati ay matinding pagkalungkot dahil sa isang kawalan -— kawalan dahil sa paglisan ng isang minamahal sa buhay, kawalan ng pag-asa at kawalan ng bagay-bagay na pinahahalagahan.

Ganito ang naramdaman nina Marta at Maria nang ang kanilang kapatid na si Lazaro ay namatay (Jn. 11:19-27).

Marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin
sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

Nang marinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, "Panginoon kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman ko pong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya." "Muling mabubuhay ang iyong kapatid," sabi ni Jesus. Sumagot si Marta, "Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay." Sinabi naman ni Jesus, "Ako ang muling pagkabuhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?" "Opo, Panginoon!" sagot niya. "Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan."

Kung tutuusin, ang sagot ni Marta kay Jesus ay nagsasabing hindi pa talaga niya kilala si Jesus. Nananalig siya na si Jesus ang Mesiyas, datapwat malinaw na sinabi ni Jesus na siya ang "Muling Pagkabuhay."


Ang katunayan na si Jesus ang "Muling Pagkabuhay" ay dapat nagbigay kay Maria ng isang bagong pananalig kay Jesus, at bagong pag-asa na ang pagkabuhay muli ng kanyang kapatid ay noon na rin magaganap.

Ganoon din sa atin. Kung ang pinaniniwalaan nating Jesús ay nabuhay na mag-uli, samakatwid ang kanyang kapangyarihan bilang "Muling Pagkabuhay" ay nagaganap na ngayon sa atin. Ito dapat ang pinagsasandigan natin ng ating pag-asa sa gitna ng pagdadalamhating ating nararanasan sa kasalukuyan. Kailangang matindi ang ating pananalig na hindi tayo mapangingibabawan ng kalungkutan, pagdadalamhati at kawalang-pag-asa sa mga sigalot, crisis, mga problema na nangyayari sa atina at sa ating lipunan.

Bilib ba kayo na si Jesus ang "Muling Pagkabuhay"?

Show comments