Kaya pala galit si Ocden kay Palatao ay dahil kinumpiska ng huli ang mga hawak nitong video karera machines sa Taguig City. Siyempre, dahil opisyal siya at graduate ng PNPA at hamak na enlisted personnel lang si Palatao, aba gustong magpasiklab ni Ocden. Noon ko pa ibinubulgar ang mga VK ni Ocden pero hanggang sa ngayon pala marami pa siyang nakalatag na makina sa kaharian ni SPD director Chief Supt. Wilfredo Garcia. Kaya lang bakit ang CIDG pa ang kumilos para kumpiskahin ang mga makina ni Ocden at hindi ang SPD? Tanong lang po, Gen. Garcia Sir.
Pero kung mga kuwento sa SPD ang paniniwalaan, matagal na palang may alitan sina Ocden at Palatao. Noon pala, si Palatao ay maryoon ding makina subalit dahan-dahan itong nagkawalaan dahil sa mga hulidap na raid na isinasagawa ng grupo ni Ocden. At dahil nakapuwesto na si Palatao, aba gumanti ito kay Ocden na sa tingin ng mga kausap ko ay panay nakaw ang mga makina. Ang balita ko pa, itong bata dati ni Ocden na si Abe David ang ginamit ni Palatao kayat limas lahat ang mga makina ng una. He-he-he! Nag-alaga pala ng ahas si Ocden, di ba mga suki?
Kaya naman matapang si Ocden, na naka-assign sa Taguig City, eh bayaw siya ni Sr. Supt. Pat Hernandez, ang dating bagman ni PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao noong CIDG chief pa siya. Di ba si Hernandez ay isa sa mga opisyales ng PNP natin na tinawag sa Senate probe sa jueteng? Aba kung inaanak ni Lomibao si Hernandez, tiyak may kalalagyan si Palatao, di ba mga suki? Kung ganyang kalakas kay Lomibao ang padrino mo, aba sino ba ang hindi tatapang?
Sa pagkaalam ko nasa kamay pa ng CIDG ang Armalite ni Ocden. Dapat iutos ni Lomibao ang imbestigasyon kay Ocden para maparusahan siya at hindi na pamarisan pa ng iba nating mga opisyal ng PNP na lumaki ang ulo kahit illegal pa ang lakad. Puwede na rin sigurong itapon si Ocden sa Subic para isali sa re-training sa ating mga TABA cops. Kapag naalpasan pa ni Ocden ang kahihiyang kinasasangkutan niya, aba walang magandang patutunguhan ang liderato ni Lomibao, di ba mga suki? He-he-he! Lagot ka Ocden! Tiyak sa kalaboso ang bagsak mo. Abangan!