Isinangkot sa jueteng scandal ang asawa, anak at bayaw ni Mrs. Arroyo. Na-exile sa ibang bansa si FG Arroyo at nag-leave naman sa Kongreso si Pampanga Rep. Mikey Arroyo. Wala nang marinig tungkol kay Negros Occ. Rep. Iggy Arroyo.
"Hello and goodbye jueteng", iyan ang mangyayari kapag natigil na ang jueteng investigation. Tiyak na maglalabasan sa lungga ang mga jueteng operators. Magsisipagsaya ang mga kubrador. Walang katatakutan. Wala nang pangingilagan. Balik jueteng na naman. Pero paano ang kaso ni FG Arroyo at nina Mikey at Iggy? Mahirap sagutin lalo pa ngat wala na sila rito sa bansa. Pero sabi naman ni FG, handa siyang bumalik sa bansa sakali at ipatawag siya ng Senado. Pini-pressure umano ng Malacañang ang Senado na huwag nang ituloy ang imbestigasyon. Itinanggi naman ito ng Malacañang.
Habang urung-sulong na ang imbestigasyon sa jueteng, nagsibalikan na ang mga kubrador sa kanilang dating trabaho. Nagsisipagsaya na sila lalo na sa mga probinsiya ng Quezon, Laguna at Nueva Ecija. Ito ang sinabi ng jueteng witness na si Richard Garcia. Si Garcia ay isa sa mga jueteng witness na pinresenta ni Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz. Sinabi ni Garcia na sa Cavite ay halos kalahati ng probinsiya ay bumalik na sa jueteng sapagkat ang operator ay malapit sa isang high ranking official ng bansa. Sinabi pa ni Garcia na malakas na ang loob ng mga jueteng operators sapagkat wala na rin naman daw mangyayari sa ginagawang imbestigasyon sa jueteng. Pawang bangayan lamang daw ang ginagawa sa imbestigasyon. Pawang pagmumurahan lamang daw kagaya ng nangyari sa Senate hearing noong nakaraang linggo.
Natakpan ng "Hello Garci" ang jueteng at ngayon ngay nagsisimula na namang kumalat sa maraming panig ng bansa. Marami na namang mahihirap ang isasapalaran ang kaunting perang kinita. Umaasang tatama ang kanilang piso. Maski ang pambili ng isang kilong bigas at tuyo ay isasapalaran pa sa jueteng. Kawawang mahihirap na hindi na makatakas sa jueteng.