Handog na hiyas

KAMAKAILAN, nakatanggap ako ng e-mail mula sa isang kaibigan at naroon ang essay ng isang kabataang Koreanong nag-aaral ngayon sa Pilipinas. Ito’y tungkol sa kung bakit mahal niya ang South Korea at kung paanong dati’y naiinggit sila sa Pilipinas sapagkat ito’y dating isang maunlad na bansa, ngunit ngayo’y isa sa mahirap na bansa sa Asia at sa mundo. Ang hamon ng kabataang Koreano sa mga Pilipino ay ang mahalin ang Pilipinas.

Ganoon din ang napagtuunan ng aming pagninilay tungkol sa Ebanghelyo sa araw na ito (Mt. 13:44-52).

"Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon."

"Gayon din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng isang mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon."


Ang paghahari ng Diyos ay inihambing ni Jesus sa isang kayamanan at sa isang mamahaling perlas. Ang sinumang makatagpo nito ay gagawin ang lahat mapasa-kanya lamang ang "mamahaling perlas." Ngunit ano nga ba ang "paghahari ng Diyos"? Ito’y walang iba kundi ang pag-iral ng pagdakila at pagmamahal sa Diyos, pagmamahal at paglilingkod sa kapwa, ang kondisyon o sitwasyon na kung saan may katarungan, kapayapaan, paggagalangan; pag-iral ng katotohanan at katiwasayan, pagkakaroon ng kapayakan ngunit kasaganaan sa pamumuhay. Ang "paghahari ng Diyos" ang handog na hiyas sa atin ni Jesus nang tinubos niya tayo at ang mundo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Datapwat tila napakalayo pa natin sa pagkamit nito.

Ang "paghahari ng Diyos" ay maaaring umiral sa pamamagitan ng ating tunay na pagmamahal sa ating bayan, sa ating bansa. Ang hamon ay: paano natin ito isasaganap? Paano natin bibigyan ng tunay na kabuluhan ang pagiging "Perlas ng Silangan" ng ating bansang Pilipinas?

Bukas ang State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo. Ang kalagayan kaya ng ating bansa ay lumalapit, kundi man sumasalamin, na sa "paghahari ng Diyos"?

Show comments