Ilang reklamo ang natanggap ng BITAG mula sa ilang negosyante mula sa Pampanga ukol sa panloloko ng taong ito.
Estilo raw ni P/Insp. Baloyo na manghiram ng titulo ng lupa upang gamiting reference sa pagpapasukat kuno ng lupaing kanyang pag-aari.
Oras na makahiram ito ng mahahalagang dokumento mula sa mga pobreng biktimang nagtiwala sa kanya, dito naisasagawa ang kanyang modus.
Kasabwat ang isang Atty. Enrique Basa ng Registry of Deeds ng Pampanga, nagagawa nilang mailipat sa pangalan ni Baloyo ang mga titulo ng lupa.
Ibinibenta ni Baloyo ang mga titulong ito sa ilang inosenteng negosyante at balikbayan sa Pampanga. Matapos maibenta, magmamagandang loob ang huli na ipapaayos "kuno" ang mga papeles. Pero sa halip, muli itong maghahanap ng inosenteng buyer na bibili ng titulong nauna na niyang naibenta.
Paulit-ulit ang ganitong bulok na estilo ni P/Insp. Baloyo hanggat mayroon siyang naloloko.
Nakatanggap din ng impormasyon ang BITAG na isinasanla na ni Baloyo ang ilan sa mga naitakbo niyang papeles sa Baguio.
Kayat dobleng pag-iingat ang ipinapayo namin sa lahat lalo na mga broker at ilang naghahanap ng lupa.
Bogus at peke ang mga papeles na pinanghahawakan at ibinibenta ni P/Insp. Rodney Baloyo. Maging mapanuri ng hindi mapabilang sa mahabang listahan ng mga naloko ni Baloyo.