Kahit sino maupo, parliamentary na

MULA sa huling krisis pampulitika, matauhan na sana lahat: Mga partido, Simbahan, negosyante, civil society, burokrasya, Media. Baguhin na natin ang anyong gobyerno ng parliamentary mula presidential. Kasabay nito, palitan na rin natin ang sistemang unitarian tungo sa federal.

Sa presidential form, dalawang partido lang ang nananaig, ang dominanteng Administrasyon at dominanteng Oposisyon. Lahat ng ibang partido ay nae-echa-puwera. ‘Yun ang dahilan kung bakit tuwing may bagong Presidente, naglilipatan agad sa partido niya ang karamihan ng mambabatas at local officials. Hindi tuloy ganap na nadidinig ang programa’t plataporma ng maliliit, miski mas mahusay.

Sa unitarian system, nakasentro ang desisyon sa pambansang pamahalaan. Iniembudo rin ng gobyerno sa Maynila ang lahat ng buwis, at bahala na kung nais ito ipamahagi sa pamamagitan ng IRA (internal revenue alotment).

Sa parliamentary, isa na lang ang Kamara, hindi dalawa. Iba’t ibang partido ang uupo. Mamumuno ang Prime Minister depende sa galing niyang bumuo ng koalisyon ng mayorya ng mga partido. Mula sa koalisyon din siya hihirang ng Gabinete. Kung ano ang binalangkas na batas at desisyon ng parliament, isasakatuparan agad ng Prime Minister at ng Gabinete na mga kasapi rin nito. Iaasa nila siyempre ang katuparan sa isang propesyonal na burokrasya.

Sa federal system, hahatiin ang bansa sa iba’t ibang rehiyon na may sari-sariling parliaments, burokrasya, hudikatura, at awtonomiya. Ang pagbubuwis, pagtatakda ng polisiya, at pamumuno ay manggagaling sa rehiyon mismo, imbis na sa central government sa Maynila.

Sinasabing walang anyo at sistemang magtatagum-pay kung hindi rin magbago ang pagkatao ng pamunuan. Totoo ‘yon. Pero may mga anyo at sistemang nagbubunsod ng pagbabago sa pagkatao nila. Sa parliament, obligado sila makipagkasundo sa pinaka-maraming partido. Sa federal, mas madali bantayan ang katiwalian, dahil lokal na lahat ng pamamahala.

Show comments