Sa naturang okasyon, bahagi ng programa ay arukin ang damdamin ng mga tao hinggil sa kasalukuyang krisis pulitikal sa ating bansa at gumawa ng isang paninindigan.
Marami sa nagsidalo ay nalilito sa mga pangyayari dahil sa mga nasasagap na balita sa radyo, TV at mga pahayagan na nagsisiwalat ng ibat ibang pahayag, kuro-kuro at mga paninindigan. Para sa mga nalilito, wala silang makitang tunay na maaaring pagsandigan at pagkunan ng katotohanan kung kayat ang panukala nila ay patuloy na pag-aralan ang sitwasyon at hingin na palitawin ang katotohanan ng sinumang mga tao o institusyon na kapani-paniwala o may kredibilidad. Kung lilitaw ang katotohanan, mas madaling makagagawa ng paninindigan.
Yaon namang may nabubuong opinyon ay nagsasabing si President GMA ay dapat manatili sa kanyang pagkapangulo subalit dapat panagutan ang inihihingi niya ng paumanhin sa taumbayan. Kailangan niyang harapin ang mga umuusig sa kanya ayon sa proseso na nababatay sa ating Saligang Batas at agarang kumilos at isakatuparan ang mga ipinangako niya sa taumbayan, lalo sa mga mahihirap.
Nagkaisa ang lahat sa puntong sa panahon ng krisis, anumang uri ito, ang unang dapat gawin ay manahimik, manalangin upang magabayan ng Banal na Espiritu, timbangin ang mga nakakalap na impormasyon, pagnilayan ang mga pangyayari at maaaring kinalabasan nito, at saka gumawa ng aksyon.
Amang mapagmahal at Dakilang Panginoon, lukuban po ninyo ang aming bansa ng Iyong Banal na Espiritu, upang ang katotohanan ang lumitaw, maging mahinahon ang mga nag-aalab na mga damdamin at sa gayon ay ang katarungan at kapayapaan ang umiral sa aming bansa. Amen.