Nagkabisa ang EVAT noong July 1. Sa isang iglap ay tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, elektrisidad, toll fee at pamasahe sa eroplano. Naging batas ang EVAT o Republic Act 9337 noong nakaraang buwan. Ang EVAT ay isa sa walong tax measures na isinusulong ni Mrs. Arroyo para mapagkunan ng pondong gagamitin sa pagbangon ng bansa. Kinagabihan, sinuspinde ng Supreme Court ang EVAT at hiniling na i-rollback ang presyo ng petrolyo at i-refund ang binayad na EVAT. Ang naghain ng petisyon para mapigil ang EVAT ay si Congressman Francis Escudero. Labag sa Constitution ang pagpapatupad ng EVAT.
Bahagyang nakahinga ang taumbayang sakal na sakal na sa paghihigpit ng sinturon. Ngayon ay nakikita na apektado ng EVAT ang taumbayan. Walang katotohanan ang sinabi ng gobyerno na hindi "aaray" ang taumbayan. Ipinasa na agad ng gasoline companies sa consumers ang kinubra sa kanilang EVAT. Chain reaction na agad. Sa susunod na taon ay lalong mabigat sapagkat 2 percent ang ikakarga sa EVAT. Magmamahal ang noodles, sardinas, bigas at iba pang pagkain ng mahihirap. Lalong magiging kaawa-awa ang mamamayan.
Kikita nga ang gobyerno sa EVAT pero saan manggagaling ang kikitain. Walang iba kundi sa bulsa ng taumbayang hindi malaman kung paano pagkakasyahin ang kinikita. Babawiin sa kanila ng mga manufacturers ang EVAT na sisingilin ng gobyerno. EVAT ba ganito ang gobyerno? Kung sa halip magpataw ng EVAT, i-improve na lang ang tax collection at dakmain ang mga corrupt na nagpapahirap.