Ang pakikitungo sa lahat

KADALASAN, sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, may mga tao na kaydali nating pakitunguhan, at may mga tao namang mahirap pakibagayan. Marahil ito’y dahil na rin sa may mga taong "magaan ang dating" at ang iba nama’y "nakakasulak ng ating dugo," kahit na kung minsan ay wala naman silang ginagawang di-mabuti sa atin.

Basahin ang Mateo 9:9-13.

Umalis si Jesus sa lugar na iyon. Sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo; nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.


Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit sumasalo sa mga publi- kano at sa mga makasalanan ang inyong guro?" Narinig ito ni Jesus at siya ang sumagot, "Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, "Habag ang ibig ko at hindi hain." Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal."

Para kay Jesus, nais ng Diyos ang habag at hindi ang hungkag na pag-aalay ng hain o mga ritwal. Kung kaya’t ang pakikitungo sa lahat – mahirap man o mayaman, bata o matanda, babae man o lalaki o binabae o tomboy — ay isang hamon sa atin na ibig maging tagasunod ni Jesús.

Ang habag na tinutukoy ni Jesus ay ang pag-unawa sa kalagayan ng taong ating kaharap o kakaharapin, lalo’t kung ang mga ito’y mga taong itinuturing ng lipunan na balewala o mga mahihirap o mga walang kapangyarihan.

Jesus na aming Panginoon at Tagapagligtas, tulungan mo kaming makita ka lagi sa aming kapwa, lalo’t higit sa mga taong kapus-palad. Amen.

Show comments