Bilang paggunita ng Environment Month ngayong Hunyo, lalong pinapaigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga programa upang matugunan ang problema sa ating kapaligiran. Mayroon tayong Linis Hangin Program. Nahahati ito sa tatlong bahagi na tumatalakay sa pinagmumulan ng problema sa polusyon sa hangin tulad ng mga sasakyan. (Bantay Tambutso), industriya (Bantay Tsimineya) at area sources (Bantay Sunog-Basura).
Bilang karagdagang aktibidad maliban sa panghuhuli ng mga smoke-belchers, nagbibigay ang DENR sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau ng seminar-orientation sa mga transport operators at mga driver. Layon ng mga serye ng seminar na ito na maipaliwanag sa transport sector ang kanilang responsibilidad sa ilalim ng Philippine Clean Air Act na siguraduhin ang kanilang mga behikulo ay hindi nagpapalubha sa polusyon sa pamamagitan ng tamang maintenance at pagpundar ng mga tamang equipment na cost-efficient din sa kanilang operasyon kung titingnan ang pangmatagalang sitwasyon.
Kamakailan lamang nagkaroon ng dayalogo ang mga transport operators at mga driver ng Rizal Transport Services at Mandaluyong FILCAB Transport kasama ang mga kaalyado natin sa DENR-EMB tulad ng SM Megamall at ang USAID-assisted Energy and Clean Air Project.
Sa ilalim ng programang Bantay Tambutso sa Malls, kailangang magtagpo ang mga sektor na ito dahil alam naman natin na paboritong puntahan ng mga tao ang mga shopping malls katulad ng SM Megamall. Maging mga security guards ng mall ay makakatulong na ma-monitor ang mga FX, taxi, jeepney at tricycle na pumaparada o umiikot dito ngunit dapat munang igarahe dahil sa smoke-belching.