Ang cook na pinatalsik sa barko

ANIM na buwan pa lang si Manny na namamasukan bilang cook sa barko ng SMA nang siya ay tanggalin. Sa paniniwalang hindi nabigyan ng sapat na karapatang marinig ang panig, idinemanda niya ang SMA sa NLRC ng illegal dismissal.

Bilang tugon sinabi ng SMA na simula pa ay nagpakita na si Manny ng hindi magandang asal. Kapwa kasama niya sa trabaho ang umano’y nagsasabi na basagulero siya, lasenggo, tamad at palaboy-laboy. May mga report na ilan silang natatanggap tungkol sa mga masamang kilos ni Manny. At nung nagnakaw siya ng sigarilyo, wala nang nagawa ang kapitan kundi patalsikin siya sa trabaho. Walang anumang record na isinumite ang SMA bilang patunay sa mga bintang kay Manny. Gayun pa man pinaboran ng labor arbiter ang SMA at sinabing tama at legal ang pagkakatanggal sa kanya.

Umapela si Manny sa NLRC at nag-file ng memoramdum on appeal ngunit hindi niya pinadalhan ng kopya ang SMA. Pinaboran ng NLRC si Manny at sinabing illegal nga ang pagkakatanggal sa kanya. Ayon sa NLRC walang ebidensiyang naipresinta ang SMA na nagpapatunay sa mga bintang kay Manny. Humingi ng rekonsiderasyon ang SMA. Ang tanging katwiran nito ay hindi raw sila nabigyan ng kopya ng memorandum on appeal ni Manny. Dahil wala raw sila nung memorandum, pinagkait daw sa kanya ang karapatang sagutin ito. Tama ba ang SMA?

MALI.
Kahit hindi nabigyan ng memorandum ang SMA, ang apela ni Manny sa NLRC ay tugma pa rin. Ang mahalaga ay ang pag-file ng memorandum, hindi ang pagbigay ng kopya nito sa kalaban na isang pormal na depekto lang. Kahit walang memorandum, nagkaroon pa rin ang SMA ng pagkakataong marinig ang panig dahil naka-file sila ng motion for reconsideration kung saan mailalahad nila lahat ang panig nila dahil ang buong record ng kaso ay itinataas naman sa NLRC kung may apela ang partido.

Dapat sana ay sinagot na ng SMA sa kanilang mosyon ang apela ni Manny upang marinig ang merito ng kaso. Ngunit walang binanggit ang SMA tungkol sa merito ng kaso. Tinalakay lang nila ang teknikong pagkukulang ni Manny na bigyan sila ng kopya ng memorandum. Ito’y nangangahulugan lang na mahina talaga ang kaso nila (Sunrise Manning Agency Inc. vs. NLRC et. al. G.R. 146703, November 18, 2004).

Show comments