Kesa payagan nilang lumabas ang katotohanan, ang pinaggagawa ng ilang mga opisyal ng senado at ng administrasyon ay pilit itigil ang anumang imbestigasyon at sabihing mas maraming mas importanteng bagay ang dapat asikasuhin.
Ang iba naman, lalo na itong si Raul Gonzales na Justice Secretary pa naman at si NBI Chief Reynaldo Wycoco ay pinagtatakot pa ang mga testigo na nagbunyag sa mga anomalyang kinasasangkutan ni Sir Senyor Don JOSE Miguel Arroyo, Sir Senyorito Juan Miguel Arroyo at si Sir Senyor Don Ignacio Arroyo. Hindi na natin sinasabi kung sino talaga sa magkapatid ang JOSE PIDAL dahil hanggang ngayon hindi naglilinaw ang katotohanan.
Si Wycoco mas malaki ang dapat ipaliwanag. Several years ago sinabi ni then NBI Deputy Director Samuel Ong na kumikita si Wycoco ng P800,000 weekly galing sa jueteng. Complete denial siya at sinibak niya itong si Ong kaso noong nakaraang linggo itong isang testigo ay malinaw na sinabi na P800,000 nga ang tinatanggap ni Wycoco weekly. Kaya instead na deny uli, fake na testigo nilabas at siraan na lang si Ong na ambisyoso raw.
Ang National Telecommunication Commission naman ay pinagbabawal ang pag-eere ng mga audio tape. Deny na ang Malacañang na si Madam Gloria yun at ganun din si Comelec Commissioner Virgilio Garcellano. So kung deny sila, ano pa ang kinatatakot ng NTC at ayaw nila payagang ma-ere yun.
Tsaka bakit ba kayo takot na takot sa audio tapes na yan. Kala ba naming hindi totoo yan. Pabayaan niyo sambayanan ang humusga.
Sa senado naman, unang pangako ay tuluy- tuloy ang imbestigasyon pero nang lumabas itong si Sandra Cam ay biglang kambyo itong magagaling na senador na sina Manuel Villar at Lito Lapid. Sabi nilang dalawa, delay daw ang hearing sa jueteng dahil may biyahe raw sila sa abroad.
Galing naman ng timing nila ano. Kung kelan magulo tsaka sila magbibiyahe. Mas importante pa ba ito kesa sa nais ng sambayanan na ilabas ang katotohanan. Tanong nga lang natin, sino kaya ang magbabayad ng biyahe nila? Magkano kaya ang gagastusin nila? First class malamang at five star hotel ang tutuluyan nila.
Sarap naman ano, para silang si Sir Senyor Don Ignacio Arroyo na buong pamilya pa ang nagbiyahe sa Singapore at mukhang tutuloy pa sa Estados Unidos. Tanong lang ho namin, bakit ho laging Singapore ang punta nila.
Nagkataon ba na nandoon na rin si Luciofer Co na biglang naging golfer at kalaro lagi ni Sir Senyor Don JOSE (Pidal?) Miguel Arroyo. Tatanong lang po.
Lahat ginagawa ng mga taga administration upang pigilan ang paglabas ng audio tape at ang jueteng investigation. Ang mga nabanggit natin ay ilan lang sa mga paraang ginagawa nila upang pagtakpan ang katotohanan.
Madam Senyora Donya Gloria, ang mga dapat po ninyong gawin ay simple lang. Harapin nyo ang isyu. Pumayag kayong maikumpara ang boses niyo sa boses ng naturang audio tapes. Ganun din sa yo Garcellano, Sir Senyor Don JOSE Miguel Arroyo at dating Senador Robert Barbers.
Harapin ho ninyo ang katotohanan. Tama ho ang panawagan ng ilang mga Pari, pero higit sa lahat panawagan ng sambayanan.
Sa isyu naman ng jueteng, you can deny all you want pero obvious na protektado ang jueteng dahil lalong lumaganap ito.
Harap-harapan. Pati mga rally, Gen. Lumibao, payagan nyo. Pabayaan nyong mailabas nila ang kanilang damdamin. Mahirap na masyadong sinusupil ang Pinoy. Payagan nyong lumitaw ang katotohanan.
Pag pilit nyo sinusupil ang katotohanan, lalo na at patuloy ang paghihirap at mas titindi ang silakbo ng damdamin at pagmumulan yan ng tunay na ugali ng Pinoy na magwawala.
Hindi nyo kakayanin ang sambayanang Pilipino, kasama po ng mga ordinaryong kawal at pulis na inyong patuloy na pinahihirapan at ginagawang tanga pag sumambulat ang nagpupuyos nilang damdamin.
Paniwalaan nyo kami at sa nakikita namin malapit na malapit na umapaw ang galit. Konting-konti na lang. Baka parang bulkan pag sumabog ang galit at hindi nyo nanaisin harapin ang poot ng gutom, hirap at galit ng Pilipino.
Ingat lang ho kayo, kasama na ho yang ilang opisyal sa one-stop shop na muling nagpapayaman sa tax credit certificate. Hindi komo busy ang bayan ay di kayo napupuna. Pinanunuod lang naming kayo.
Ganoon din kay Boy Vinas at Boy Gonzales na tuloy ang delivery ng mga pera sa isang mataas na mataas at malapit na malapit na tao sa Malacañang. Baka akala nyo nalingat na kami. Ingat-ingat lang at isang araw baka tumapon yang mga dala nyo at mabuking kayo. Bugbog kayo ng Uncle Bong nyo.