Hindi ko na kailangan pang ikwento ang mga pangyayari kung paano lumutang itong si Atty. Samuel Ong dating Deputy Director ng National Bureau of Investigation na takot na takot at pinoproklama ang isang audio tape na ito daw ay "mother of all tapes" na ibinigay sa kanya ng isang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines ISAFP officer at ipinagkatiwala sa kanya.
Ang buhay daw niya ay nasa panaganib dahil siya ang pinagkatiwalaan na mangalaga ng tape na ito. Paano kung sabihin ko sa yo na nakatanggap din ako ng email na pagkahaba-haba kung saan detalye ang diumanoy pag-uusap ni Atty. Virgilio Garcillano ng COMELEC at ng ibat ibang tao? Nakasulat sa email na itoy para sa People of the Philippines at para maipablish ko.
Lumalabas nyan Sammy, hindi lamang ikaw ang pinadalhan niyan. Kung pinadalhan ako sa aking email address, ilan pa ang pinadalhan niyan? Bukod tangi kang lumabas at pumorma sa harap ng media na parang ikaw na ang magbabago ng kasaysayan ng ating bayan sa mga susunod na araw. The Messiah complex.
Kilala ko si Sammy Ong! Siya yung hepe ng Anti Fraud Division ng NBI nung mga panahon na ang isang mayor ng Laguna ay naakusahan ng kasong RAPE ng isang minor. Nagkaroon ng malaking isyu kung bakit hindi hinuhuli ang mayor na ito gayung may Warrant of Arrest laban sa kanya. Inorderan ang NBI na hulihin yung mayor para maikulong. Hinuli nga yung mayor subalit ni hindi ito nakatuntong sa pintuan ng jail ng NBI. Ang ginawa nitong si Sammy Ong na ito, ibinigay ang kanyang personal na opisina sa NBI at itoy nagsilbing tirahan nitong mayor na ilang linggo rin.
Kaibigan daw niya yung mayor, Personal na sinabi niya sa akin ito.
He shielded this mayor from the media. Habang dinidinig ang kaso ng mayor sa isang RTC sa Manila, ginawang hotel room ang airconditioned office ni Sammy.
Ang tanong, magkano ang ibinayad nitong mayor kay Sammy kung meron man para gawing ala Manila Hotel ang kanyang opisina. Legal ba ang ginawa ni Sammy sa pagpapahiram ng kanyang opisina para mabigyan ng VIP treatment itong mayor na ito?
Opisina ng NBI yan na ipinahiram lang kay Sammy. Ang taong- bayan ang nagbayad ng pagpapatayo ng NBI bldg. na yan. Wala kang karapatan ipagamit sa mayor yan!
Habang nakatira yung mayor sa opisina ni Sammy, ang ginawa nito ay nagfile ng leave of absence para hindi niya kailangang pumasok.
Marami sa bureau ang nakaka-alam nito. Buong Anti-Fraud Division nga alam ito! I know kasi may personal knowledge ako ng lahat ng ito!
Totoo rin ang mga sinasabi ni Dir. Wycoco na si Atty. Ong ay nag-ambisyon na maging NBI Director. Wala namang masama dun. Sa katunayan, marami sa mga Regional Directors ngayon ay nangangarap na maging NBI Director someday.
Umugong ang balita nang mamatay si Director Federico Opinion si Sammy ang maa-appoint na NBI Director. Biglang inappoint si Dir. Wycoco.
Frustrated itong si Sammy so much so na sa mismong compound ng NBI nagsimula siya ng demonstrasyon laban kay Dir. Wycoco.
Inuulit ko na hindi masama ang mag-ambisyon. Ang taong walang ambisyon sa buhay ay walang patutunguhan. Subalit kung ang ambisyon naman ay maging OBSESSION, mas lalo namang nakakatakot ito dahil kahit ano na lang gagawin para makuha ito.
May nagsabi sa akin na isang kasamahan din nitong si Sammy sa bureau na desperado na raw itong taong ito.
"Gusto niyang mag-ala Chavit Singson at maging catalyst sa pagbagsak ng Arroyo administration. Sa ganitong paraan baka sakaling matupad na ang kanyang obsession na maging NBI Director. Na-engot na yata itong si Sammy," ayon sa isang NBI official.
Sa paglutang ni Sammy na hawak sa kanyang kamay ang "mother of all tapes" nanawagan siya kung kani-kanino. Kay Ms. Susan Roces, sa oposisyon, sa Simbahang Katoliko, at sa mamamayang Pilipino. Aba, eh, nag-ambisyon din pala itong si Sammy na mag-ala Cardinal Jaime Sin nung panahon ng People Power 1 sa EDSA.
Ang tanong: Susunod ba tayo mga kababayan? Susundin ba naman siya ni PGMA at Vice Noli De Castro na magresign? Sino ka ba Sammy Ong?
Maganda ang naging reaksyon nitong si Ms. Susan Roces. She categorically said "My candidate is dead and theres nothing to gain from this."
Iba ang sitwasyon nung panahon ni President Corazon Aquino. Her husband was also dead, assassinated sa Tarmac nung 1983, pagkatapos there was massive cheating nung Presidential Elections which led to public indignation and the culmination of which ay nung tayo ang magpunta sa EDSA at sama-samang itinaya ang ating buhay para mapatalsik ang rehimeng Marcos.
Pinatay nila si Ninoy subalit binayani naman natin siya dahil sa kanyang "act of bravery in the face of death" at ipinakita naman nating lahat ito ng iluklok si Cory Aquino.
Ang ginawa ba nitong si Sammy ay isang "act of bravery for the Filipino people. Para ba sa atin ito at sa ating mga anak at apo? Hindi kaya totoo rin ang sinabi nung kausap kong NBI official na this is nothing but a crazy move from a desperate man na gustong maging NBI Director?.
Mag-isip-isip kayo mga kaibigan. Pagod na rin ako mismo na pumunta sa EDSA at magdemonstrate. I am not young anymore. Kung nandaya nga si PGMA sa eleksyon laban kay Fernando Poe, Jr., ngayong pumanaw na si Da King, sino ang iluluklok sa pwesto kung mapatalsik si PGMA.
Masdan nyo ang kondisyon ng ating bayan ngayon. Hirap na hirap tayo kumita ng pera para sa pang araw-araw nating gastusin,
"Kahit sabihin mong mapatalsik si Gloria sa pwesto at ang oposisyon ang ilagay dyan, hindi naman magbabago ang aking buhay. Isang kahig, isang tuka pa rin ako at ang pamilya ko. Mabuti nga ngayon, kahit paano nakakatuka pa kami. Paano kung magkagulo? Baka dumating ang punto wala na kaming makain, mariing sinabi nitong si Jovencio Ablay, isang FX driver na nakausap ko.
Ang lahat ng nangyayari ngayon sa ating bayan ay nakakaapekto ng ating ekonomiya. Sadsad na naman ang stock market, Ang mga foreign investors natatakot magpatuloy ng kanilang investment sa ating bayan. Mas lalo naman tayong walang maaasahan sa mga bagong foreign investors kung makita nila na hindi stable ang political climate sa Pilipinas.
Nasa inyo ang desisyon mga kaibigan!
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.