Ang lumalaking populasyon, pagdami ng sasakyan at pagdami ng mga gawaing pang-industriya, ay nagpapalala sa kalagayan ng hangin. Alam ba ninyong 70 percent ng polusyon sa hangin ay mula sa mga sasakyan samantalang 30 percent ay galing sa mga pabrika at iba pang stationary sources. Ang mga buga dulot ng pabrika, usok mula sa sasakyan, pagsusunog ng basura, ay nagdudulot ng polusyon sa hangin. Hindi lamang pagdilim sa ating himpapawid ang dulot ng polusyon sa hangin. Nagdudulot din sila ng matinding gastos pang-ekonomiko at lalo pa, ang mga gastos dahi sa sakit.
Ang polusyon sa hangin ay mapanganib sa kalusugan. Ang tinatawag na acid rain ay nakakaapekto sa mga katubigan, punong-kahoy at halaman. Nagdudulot din ito ng pag-init ng mundo o ng tinatawag na greenhouse effect. Maraming masamang epekto ang polusyon sa hangin.
Tayong lahat ay may papel sa paglilinis ng hangin. Maaari tayong mamuno sa pangangalga ng hangin. Iwasan ang pagsusunog ng mga basura, panatilihing nasa kondisyon ang mga makina ng mga sasakyan, magtanim ng mga halaman at puno sa mga bakuran. Ilan lamang ito sa mga maliliit na paraan upang matulungan natin ang pamahalaan sa programang Linis Hangin na sinusulong ng DENR. Kayang-kaya natin ito sa sama-samang pagkilos.