Hindi na natatakot ang mga kurakot. At bakit nga naman matatakot gayong walang ngipin ang gobyernong ito. Mahuli mang magnakaw sa Customs, ang katapat lamang na parusa ay suspensiyon. Pagkatapos masuspinde balik na naman sa puwesto at magnanakaw na naman. Marami nang nasuspinde sa Customs at pabalik-balik lang ang corruption doon. Kamakailan, dalawang babaing magkapatid na empleado ng Customs ang kinasuhan dahil bumagsak sa "lifestyle checks". Twenty thousand pesos lamang isang buwan ang suweldo ng dalawang magkapatid na kurakot subalit sandamukal ang ari-arian at mga sasakyan. Ang isa ay may motorboat pa. Kakatwa ring sa Customs ay may mensahero na sumasahod lamang ng P6,000 subalit dalawa ang mamahaling sasakyan at may ilang pinto ng apartment.
Ganyan din halos sa BIR at DPWH. Walang tigil sa pagpapayaman ang mga kurakot. Wala nang katapusan ang kanilang kakaibang pananakop. Sinisipsip ang kaban.
Ngayoy nayayanig naman ang bansa dahil sa jueteng payola at direkta nang sinangkot ang Unang Pamilya. Wala na ngang katapusan ang pananakop ng mga kurakot at hindi na makalaya ang mga dahop ang pamumuhay. Lalo pang nabaon sa kumunoy ng kahirapan.
Kailan nga ba lalaya ang bansa sa mga kurakot?