^

PSN Opinyon

Ang pahayag ni LRA Adm. Benedicto Ulep

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAKAPANAYAM NATIN SI LAND REGISTRATION AUTHORITY ADMINISTRATOR, BENEDICTO ULEP PARA LINAWIN ANG ISYU NG LUPA SA BRGY. MAGUIRIG, SOLANA, CAGAYAN.

Maraming naibigay na inputs ang hepe ng tanggapang ito tungkol sa sigalot na nangyayari sa pagitan ng mga magsasaka at kay Atty. Victor I. Padilla.

"Hindi lamang ako familiar sa kasong ito in my capacity as Administrator of the LRA, but I am also from Cagayan and I know the place. Bata pa kami nagka-camping na kami dyan.

Ang alam din namin na itong lugar na ito ay forest lands at ang may-ari ang gobierno. Subalit nagpakita ng Deed-of-Sale si Atty. Victor Padilla na si Honesto Lasam ang may lagda. Si Honesto Lasam ay may titulo sa ilang hektarya ng lupain na yan," paliwanag nitong si Ulep.

Ipinakita namin sa kanya ang isang Affidavit na nilagdaan ni Saturnino Lasam kung saan sinasaad na ama siya ni Honesto Lasam at wala daw siyang ibinibigay na kasulatan kay Atty. Padilla o Deed of Sale, dahil hindi daw tumutupad itong abogado sa kanilang pinag-usapang halaga at partial pa lamang ang naibabayad nito.

Bakit ganun? Bakit magsasalita ng ganun ang matandang Lasam na parang siya ang may karapatan sa lupang yan at pinabubulaanan na meron ng hinahawakang Deed of Sale si Atty. Padilla na galing sa kanya.

Kung totoo ngang si Honesto Lasam ang may-ari ng mga hektarya ng lupain sa Solana, Cagayan, bakit iba naman ang sinasabi ng kanyang ama.

Itong si Administrator Ulep, isang dating Prosecutor at Judge ng maraming taon, na ventured to offer a Solomonic explanation.

"Maari ang nangyari niyan, gaya nung panahon ng mga lolo at lola natin, kung saan kadalasan ang nakatatandang kapatid ang ina-appoint bilang administrator ng pamilya sa mga properties o lupain.

Ang panganay na anak kasi karamihan ay nakapag-aral at malaki ang tiwala ng mga magulang sa kanya at ng iba pa niyang mga kapatid," ayon kay Ulep.

Kung ganito nga ang nangyari dapat daw itong matandang Lasam ay gumawa ng kasulatan na pirmado ng mga kaanak niya at pati ng kanyang anak na si Honesto para mabawi ang titulo na nasa pangalan ni Honesto.

A strange thought popped into my mind. Kung totoo ngang may titulo ka Atty. Victor Padilla tungkol sa lupain na pinagtatalunan dyan sa Brgy. Maguirig, sa gitna na kabi-kabilang kontrobersya na nangyayari ngayon, bakit hindi pa niya patituluhan yan sa kanyang pangalan?.

Nang aking itanong yan kay Administrator Ulep inamin niya na hindi nga ordinaryo na hindi ilipat ang lupa sa pangalan ni Atty. Padilla.

Bakit kaya Atty. Victor Padilla? What is keeping you from doing this? Hindi naman kaya dahil hindi ninyo naidedeklara na kasama sa Statement of Assets and Liabilities (SAL) ng iyong asawa na isang RTC Judge sa Quezon City mula ng mabili mo ang lupain na ito. Natatakot bang masilip kayo? Nagtatanong lamang.

Iwan muna natin yang angulong yan at ituon sa focal point ng kaguluhan ito.

Merong isang Presidential Proclamation 159 na nilagdaan si deposed President Ferdinand E. Marcos na nung dekada ‘70. Nakasaad na ang lupain ito ay nasa ilalim ng Solana-Amulong-Enrile reserve kung saan maliwanag na sinasabi na Timberlands ito at "Pasteur Lands" na hindi maaring tituluhan ng sinumang individual or private person o entity dahil nga public lands ito. Public domain. Ang may-ari niyan ay ang gobierno.

Nang ipakita namin kay Administrator Ulep ang kopya nung Presidential Proclamation na yan ipinaliwanag nitong mild-mannered at down to earth na hepe ng LRA na kung ganito nga ang sitwasyon, ang solution dito ay ang Department of Environment and Natural Resources sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ang dapat maghabol sa lupang ito sa interes ng gobierno.

Kung mapapatunayan nga na ang Presidential Proclamation na ito ay hindi pa binabawi o pinawawalang bisa tungkol sa lupain na ito, illegal mula pa sa simula, o void ab initio ang pagkakaroon ng titulo sa lupang ito ng mga Lasam. Maari din kaya, sa galing na abogado ni Atty. Padilla alam niya ang angulong ito kaya hindi niya isinasalin sa kanyang pangalan ang titulo para sa lupain ito.

Investigative reporting ang layon ng "CALVENTO FILES" dahil lumapit sa amin ang mga magsasaka na nagbubungkal ng lupa sa Brgy. Maguirig, Solana, Cagayan. Walang personalan sa isyung ito. These questions can be best answered by Atty. Padilla instead of resorting to the alibi na ang lahat ng ito ay kasama sa demolition job na ginagawa sa iyo.

Ang alam kong biktima na demo-job ay yung mga sikat na tao, mga nasa pwesto at kina-iinggitan ng iba. Ano ba ang meron ka o nagawa mo at ikaw ay isasailalim sa isang demo-job? Paliwanag mo nga sa amin yan, Atty. Padilla!

Nasabi ko rin kay Administrator Ulep na ang lahat ng mga legal remedies na binabanggit niya ay madaling sabihin para sa mga taong may pagkain sa kanilang mesa. Mga tao who can well afford a protracted legal battle na makakakain pa rin ng three square meals a day. Paano naman ang mga magsasaka sa Brgy. Maguirig na ang tanging pinagkakakitaan nila at ikinabubuhay ng kanilang pamilya ay nanggagaling sa lupa na ngayo’y pinagtatalunan?

"They can file through their lawyer an Injuction o Restraining Order para mahinto ang pagkuha ng lupa na kanilang sinasaka. Kung wala silang abogado, nandyan ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pamumuno ni Atty. Persy Acosta. Kung hindi naman sa pamamagitan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para magawa ito. The LRA would be more than willing to assist them and provide them with documents na nasa amin na maari nilang gamitin sa usaping ito," ayon kay Ulep.

Maganda rin ang pagtatapos ng pag-uusap namin ni Administrator Ulep tungkol sa problema ng mga magsasaka. Ayon sa kanya, "The worse compromise is still better than litigation!" Kung iisipin nga natin ito tama ka dyan administrator Ulep.

Nais kong pasalamatan ang staff ni Administrator Ulep, sina Gina Gaskel-Ortile, Aileen Coritana para sa kanilang walang sawang pagtulong sa mga taong dumudulog sa amin at inilalapit namin sa kanila. Kay Deputy Director Edilberto Feliciano, mabuhay kayong lahat dyan!

ABANGAN ang kabuuan ng pakikipanayam kay Administrator Benedicto Ulep bukas sa "Isumbong mo kay Tulfo…" RPN Channel 9, 6 to7 ng gabi.

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.

NAIS KO lamang iparating ang aking pagbati dyan sa Leganes, Iloilo City kay Federico D. Jaboneta. Maraming salamat sa pagtangkilik ninyo dyan sa Leganes, Iloilo sa pitak na ito.

ADMINISTRATOR

ADMINISTRATOR ULEP

ATTY

KAY

PADILLA

ULEP

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with