Marami pang ganid sasabit sa jueteng

LAHAT ng bulok, tiyak na aalingasngas. Asahang magkaka-totoo ang matandang kasabihan sa kasalukuyang bulgaran sa jueteng payola.

Nauna nang lumantad ang matagal nang bulung-bulongan sa Camp Crame: na for sale to the highest bidder ang pagka-regional at provincial PNP director sa mga pugad ng sugal. Ibig sabihin, kung sino ang pinaka-malaki ang pinangakong "give" sa taas, siya ang mapupuwesto.

At ‘yan ang nagbunsod ng paglitaw ng ilang jueteng lords na hindi na ma-afford ang dagdag-payola sa mga napapuwesto, na abala namang tumupad sa usapan. Namumulubi na ang vice lords sa laki ng "put".

Nasangkot na rin ang ilang politiko at PNP generals–kasama mismo sina Dir. Gen. Art Lomibao, Victor Luga, at Virgilio Lapinid na hepe ng Anti-Jueteng Task Force–sa listahan ng payola.

Sa mga susunod na araw, lilitaw ang pangalan ng tatlo namang PNP colonels. Isa sa kanila’y dating taga-Comptroller’s Office. Ito’y nangako kay Senate witness Wilfredo Mayor nu’ng 2004 na sa kanya na ang pa-jueteng sa Bicol kung siya’y mag-down payment. Kaso, kay Bong Pineda napunta ang "prangkisa", kaya nagwawala ngayon si Mayor at nilulubog lahat.

Isa pang colonel ang may mataas na puwesto ngayon sa Criminal Investigation and Detection Group, na dapat ay taga-puksa pero naging conduit ng payola. Hindi siya makaporma, kasi dati siyang nakaluklok sa Bicol, kung saan talamak ang jueteng.

Ikatlong colonel ‘yung nagbulgar ng payola kina "M1", "M2" at "JS7", umano’y sina Mike, Mikey at Iggy Arroyo. Dati itong naka-puwesto sa Pampanga, kung saan talamak din ang jueteng, tapos sa CIDG, kung saan "nasunog" siya sa isang palpak na operation kaya na-freezer. Kaaway ito ni Sen. Ping Lacson, pero di niya akalaing sasakyan ni Lacson at palalakihin ang sinimulang jueteng exposé. Binigay na ni Lacson sa mga kapwa-senador ang pangalan ng colonel, at malapit nang ipatawag sa inquiry.
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments