At ngayon ay nakagigimbal malaman na pati gamot sa botika ay nagtaasan na rin. Hindi naman puwedeng sabihing bawal magkasakit sa panahong ito ay nagkalat ang kung anu-anong mikrobyo, dengue, malaria, leptospirosis, Hepa-B at marami pang sakit na ang mahihirap ang laging tinatamaan. At ngayong nagtaasan ang presyo ng gamot lalong kaawa-awa ang mahihirap. Baka mamatay na hindi makainom ng gamot. Sa maniwala at sa hindi maski ang gamot sa pananakit ng ulo ay mataas na ang halaga. Sobra na ang mahal ng mga gamot na hindi na kayang abutin ng mamamayan.
At walang dapat kumilos sa nangyayaring pagtataas ng mga gamot kundi ang bagong secretary ng Department of Health (DOH). Nararapat niyang basagin ang mga tinataguriang "drug lords" na pumipiga sa bulsa ng mamamayan. Sinabi ng Health Alliance for Democracy (HEAD), isang cause-oriented group na kinabibilangan ng mga doctors, nurses at iba pang health care professionals na ang mga pharmaceutical industry cartel ang komukontrol sa mga presyo ng gamot kaya sobra ang taas. Idinidikta ng mga malalaking drug companies at multinational corporations ang presyo ng gamot kaya parang lobo ang presyo kahit nga ang karaniwang gamot lamang sa sakit ng ulo.
Ang paglobo ng presyo ng mga gamot sa botika ay natuklasan naman sa ginawang hearing ng House Committee on Trade. Nagpakita ng ebidensiya si Rep. Ferjenel Biron at kagimbal-gimbal malaman na mas hamak na mura ang mga gamot sa India kaysa sa Pilipinas. Ginawang sampol ang gamot ng Novac, isang hypertensive drug. Sa India ito ay nagkakahalaga lamang ng P7.80 pero dito sa Pilipinas ay P70 bawat isa. Ang gamot na Ponstan ay P1.80 sa India samantalang sa Pilipinas ay P11.50 bawat isa.
Paano pa makabibili ng gamot ang mga mahihirap? Dapat kumilos ang DOH sa nangyayaring ito. Basagin ang drug cartel na nagiging dahilan kaya mahal ang mga gamot.