Nang wala pa rin programa ang siyudad para sa kanila, lumiham ang matatanda kay Konsehal Ferdie Marco, chairman ng komite ng senior citizens affairs. Ang tugon ni Marco ay pagkagulat na may ganun palang pondo, at hiningan pa sila ng detalye kung saan ito galing at napunta. Ang konseho ay nasa ilalim ng vice mayor na anak ni Andres.
Matapos ang ilang pang follow-up letters sa kinauukulan at wala ring malinaw na sagot, nagpasya ang senior citizens na dumulog sa press. Isa lang ito sa maraming angal ng mga lolot lola na inilalapit sa akin mula ibat ibang lugar. Natutuyuan na sila ng dugo sa kapabayaan, hindi lang ng kanilang munisipyo kundi pati ng pambansang pamahalaan.
Nariyan, halimbawa, ang pagretiro ni GSIS executive VP Reynaldo Palmiery, sa P25 milyon-bonus, makalipas ang pitong taong serbisyo. Dati nang nagretiro si Palmiery mula sa SSS, at kumubra na ng retirement pay. Pero kinuha uli siya sa gobyerno sa mas mataas na puwesto at sahod. Sang-ayon sa batas, sinoli niya ang kinubra, at hinintay sa mas malaking makukuha sa pangalawang pagretiro. Legal lahat; humingi pa ng opinion ang GSIS sa Dept. of Justice. Pero masakit pa rin ang dating ng P25-milyon bonanza sa mga karaniwang retirees na tumatanggap ng pensiyong P3,000 lang kada buwan.
Nariyan din ang pagretiro kamakailan ng isang senior VP ng SSS, muli sa milyun-milyong pabuya, miski hindi siya CESO (career executive service officer). Legal din lahat; kinatigan ito ng Civil Service Commission, miski sangkot ang VP sa maraming anomalya mula 1998. Ganunpaman, ngitngit ang karaniwang SSS pensioners, na tig-P3,500 lang ang pabuya.