Kung malinis si Bicharrra, ibinulgar naman ni Mayor na tumatanggap ng P300,000 si Rep. Carlos Imperial, P400,000 ang kay Rep. Joey Salceda at P250,000 naman ang kay dating Rep. Criselda Lagman-Luistro. Lumalabas tuloy na may bahid ng pulitika ang tinuran ni Mayor dahil sa tatlong distrito na ito ng Albay ay may residence si
Bicharra. Ginigiba lang kaya ni Mayor ang mga pulitiko sa Albay para mamili si Bicharra kung saan niya gagawin ang political comeback niya? Kasi nga, inaamin naman ni Mayor na kaya niya tinanggap ang hamon na maging jueteng witness dahil sumikip na ang puwesto para makabalik siya sa illegal na negosyo. Kaya kung mananalo si Bicharra sa political comeback niya, maliwanag na si Mayor ang magiging financier at management niya, di ba mga suki? He-he-he! Nandamay pa ng iba para lang maipagpatuloy ang jueteng business niya.
Tandang-tanda ko pa na nabira ko na si Boy Mayor noong kalakasan pa ang jueteng diyan sa Albay. Paanong hindi masasangkot si Bicharra sa jueteng eh ang mismong kapatid niya na si Anton ang management ng illegal na sugal sa 3rd district, ang balwarte ni Salceda. Sa 2nd at 1st District naman, si Mayor ang namamahala at bukambibig niya si Bicharra nga. Para maliwanagan ang isyung ito, dapat sigurong ipatawag ng Senado ang dating provincial director ng PNP sa Albay para patunayan na nagsisinungaling si Boy Mayor, anang taga-Bicol. Tiyak kasi na alam ng dating PNP director doon ang kalakaran sa jueteng, kayat magkaroon ng sapat na ebidensiya ang Palasyo at mapabulaanan ang mga ikinalat ni Mayor na kasinungalingan. Pag nagkataon, hindi lang si Mayor ang mapapahiya kundi maging si Archbishop Cruz at ang simbahan, dagdag pa ng taga-Bicol. He-he-he! Mukhang gumaganda ang labanan na ito sa jueteng, di ba mga suki?
Kung sabagay, maraming masamang balita na ang nagsusulputan tungkol kay Mayor. Hindi ko na uulitin mga suki dahil bahala na ang sambayanan na maghusga sa kanya. Pero habang tumatagal ang jueteng isyu, maraming pangalan ang nadungisan at higit sa lahat, sangkatutak sa ating kababayan ang naghihirap. Abangan!