ANG multi-awarded na musikerong Ryan Cayabyab ang commencement speaker sa UP Class of 2005 graduation rites nung Abril 24. Anak siya ng propesora sa Conservatory of Music. Sa UP isinilang, nag-elementary at high school si Ryan. Tulad ng karaniwang bata, mahilig siyang manghuli ng tutubi sa araw at kulisap sa gabi; at maglaro ng tinatawanan niyang low-tech na patintero, tumbang preso, siyato, lastiko, gagamba, luksong tinik, step-no, habulan, taguan, teks at holen. Diyes pa lang ang Coke noon, singko ang Cosmos. Diyes lang din ang IKOT jeepney. Unang nag-college si Ryan sa Business Administration. Lumipat siya sa College of Music para mag-piano major. Lumipat siya sa Department of Composition. Sampung taon bago naka-graduate. Nagturo siya sa Conservatory, at napangasawa ang isang estudyante. Ang isang anak niya ay nag-graduate sa Music with honors. Payo ni Ryan sa 2005 grads, hindi lang ng sa UP, kundi sa lahat:
"(1) Ang buhay ay parang IKOT jeep. Ang iyong patutunguhan ay siya ring iyong pinanggalingan.
"(2) UP lang ang may TOKI (jeep na baliktad ng IKOT ang ruta). Sa buhay wala nito. Pero nasasa-iyo na yon kung nais mong pabaligtad ang takbo ng buhay mo.
"(3) Sa IKOT puwede kang magkamali ng baba kahit ilang beses; sasakay ka lang uli. Sa buhay, kapag paikot-ikot ka na at laging mali pa rin ang iyong baba, may sayad ka.
"(4) Sa UP lahat tayo magaling. Aminin nating lahat na tayoy magagaling. Ang problema dun, lahat tayo magaling!
"(5) Kung sa UP ay sipsip ka na, siguradong paglabas mo, sipsip ka pa rin.
"(6) Sa UP, tulad ng buhay, ang babae at ang lalaki, at lahat ng nasa gitna ay pataswalang pinagkaiba sa dunong, sa talino, sa pagmamalasakit, sa kalawakan ng isipan, sa pag-iibigan; at kahit na rin sa kabaliwan, sa kalokohan at sa katarantaduhan.
"(7) At panghuli: Sa UP, tulad sa buhay, bawal ang overstaying."