Lalo pang naging garapal ang paggamit ng mga sirens at blinkers ng mga civilians nang lantaran din namang umabuso ang maraming public officials na walang kahiya-hiyang hinahawi ang trapik sa pamamagitan ng kanilang escorts. Lalong dumami ang makakapal ang mukha sapagkat naging halimbawa ang mga opisyal ng gobyerno na naging instant VIP. Inabuso na ang pribilehiyo.
Karaniwan nang makikita ngayon ang mga may police escorts na pulitiko o government officials. Dalawa o tatlong nakamotorsiklong pulis ang mabilis na papagitna sa kalye at matitikas na patitigilin ang agos ng mga sasakyan. Matatapang pa ang mga police escorts na para bang nabili ng kanilang pinagsisilbihang pulitiko o opisyal ang kalye. Matatalim ang kanilang mga mata kapag may motoristang ayaw huminto at bigyang daan ang kanilang inieskortang VIP.
Pero ang nakadidismayay hindi lamang pala pulitiko o opisyal ng gobyerno ang inieskortan kundi pati na rin ang asawa, anak, at maski ang "kabit" ng pulitiko o opisyal. May naka-assigned din palang security convoys sa pamilya. Ngayon pati mga negosyante ay may mga escorts na rin. Kabilang na rin sila sa "hari" ng kalsada na kapag dumadaan ay kailangang tumigil ang lahat. Ganyan ang nagagawa ng pera sa panahong ito.
Hindi na nga nakapagtataka kung dumami ang mga may illegal na police sirens at blinkers. Nakita nilang maaari namang hawiin din ang kalsada sa pamamagitan ng mga devices na ito. Maaari ring maging VIP kagaya ng mga makakapal ang mukhang pulitiko, government officials at negosyante.
Hindi kayang ipatupad ng PNP at MMDA ang paghuli sa mga makakapal ang mukhang humahawi sa kalsada. Ang kinakaya lamang nila ay mga kawawang jeepney driver, karaniwang motorista, truck driver na lumalaban ng parehas sa kalsada. Tameme sila kapag nakarinig ng wangwang at bahag ang buntot sa takot.