Huwag basta sasali sa kung anong frat

MAY masamang naganap sa isang exclusive boy’s Catholic high school sa Pasay bago magtapos ang pasukan. Nag-i-snacks ang tatlong estudyante, isang 2nd year at dalawang 4th year, sa katapat na burger joint nang lapitan ng tatlong estrangherong binata. Sinabihang hinihintay sila ng pinuno ng fraternity – binanggit ang Greek letters – para ma-interview sa 4th floor ng mall. Iwanan daw nila ang bags nila at tumakbo sa taas dahil baka magalit sa kahihintay ang boss-chief.

Sa takot o curiosity, sumunod ang tatlong bata. Sinamahan sila ng isa sa tatlong binata, pero hanggang 2nd floor lang. Pagdating nila sa 4th floor, wala naman naghihintay doon. Dali-dali silang bumalik sa restoran. Siyempre pa, wala na ang tatlong estranghero – at ang kanilang bags na lulan ang wallets, cellphones at libro.

Leksiyon ito sa high school students. Walang principal na payag magka-frat sa high school. Puwede lang ito sa college, at sa ilan lang tulad ng U.P. o Ateneo law school atbp., at sa ilalim lang ng mahihigpit na rules. Iniiwasan kasi nilang mapahamak ang mga estudyante sa hazing, na labag sa batas, o sa rumble kung saan maari silang makapatay o mapatay.

Kung may nagre-recruit sa frat sa high school, huwag sasali. Kasi ang "masters", baka naghahanap lang ng mapapag-palipasan ng excess energy sa pagsuntok at pagsipa sa "neophytes". Kung mag-recruit man sila ng mga babae sa sorority kuno, baka naghahanap lang din ng mapapag-parausan ng sex drive.

Kung nasa kolehiyo at nire-recruit sa fraternity o sorority, alamin muna kung seryoso ang mga samahang ito o barkadahan lang. Ang mga tunay na frat at soro, ay mga mahuhusay na adhikain, tulad ng academic excellence o pagka-makabayan ng mga brods at sisses. Siyempre pa, lahat ng frat at soro ay nagpepresentang mabubuting samahan. Pero marami ay peke, at nangraraket lang ang mga pinuno.
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments