Makatotohanang pagsasalaysay

KADALASAN ang sinumpaang salaysay ay hindi tinatanggap sa Korte bilang ebidensya kung ang taong gumawa nito ay hindi humarap sa Korte at hindi dumaan sa matinding pagtatanong. Ngunit sa kasong ito iba ang nangyari.

Nilooban nina Berto, Andy at Max ang bahay ng mag-asawang Bumbay. Si Berto lamang ang may hawak na baril. Kinuha nila ang mga alahas at pera ng mag-asawa at pagkatapos ay nagpasama sa silid ng kanilang mga katulong. Doon ay nakita nila sina Vivian at Ana. Sapilitang sinama ni Andy sa sala si Ana at si Vivian naman ay dinala ni Max sa banyo. Makatapos ang limang minuto, lumabas na sila at pumunta sa master’s bedroom kung saan nakita ng amo nilang babae na ang siper ni Max ay bukas pa. Si Vivian ay tahimik lamang, ngunit si Ana ay walang tigil ng pag-iyak. Umalis sina Berto na tangay ang kanilang mga ninakaw na nagkakahalaga ng P100,000.

Ipinagtapat nina Vivian at Ana sa kanilang amo na sila’y ginahasa. Pumunta sila sa police station at ni-report ang pangyayari. Gumawa sila ng sinumpaang salaysay na nagsasaad ng buong kaganapan.

Si Max lamang ang nilitis sa krimeng pagnanakaw at panggagahasa. Si Andy ay namatay na samantalang si Berto ay nakatakas. Iprinisinta sa Korte ang babaing Indian na naglahad ukol sa pagnanakaw nina Berto, Andy at Max; at sa panggagahasa nina Andy at Max kay Vivian at Ana. Sapagka’t umuwi na sa probinsya sina Vivian at Ana, ang kanilang sinumpaang salaysay ang ipinrisinta sa Korte. Batay sa ebidensya, si Max ay nahatulan ng habambuhay na pagkakulong dahil sa pagnanakaw at panggagahasa. Umapila si Max sa Korte Suprema at sinabing dapat lamang siyang mahatulan sa pagnanakaw at hindi sa panggagahasa. Sabi-sabi lamang daw ang tungkol sa panggagahasa dahil hindi naman tumestigo si Vivian sa Korte upang patunayan ito. Tama ba si Max?

MALI.
Bagama’t wala si Vivian sa Korte upang patunayan ang kanyang sinumpaang salaysay, ito ay walang dudang pawang katotohanan lamang. Ginawa niya ang sinumpaang salaysay agad matapos ang pangyayari kung saan nailahad niya ito ng tuwid at walang bahid na pag-aalinlangan. Kahit hindi natanong o na-"cross examine" si Vivian sa kanyang sinumpaang salaysay ito’y tinatanggap na ebidensiya dahil sa natural at walang dudang paglalahad ng pangyayari. Ang testimonya rin ng among babae nina Vivian at Ana sa nakita niyang bukas na siper ni Max nang sila’y lumabas ng banyo pagkatapos ng limang minuto ay sapat na upang patunayan na may panggagahasang naganap (People vs. Moreno 220 SCRA 292).
* * *
Sa mga may katanungan kay Atty. Sison maaaring mag-e-mail sa josesison@edsa mail.com.ph o sa jcson@pldtdsl.net

Show comments