Maganda na sana ang panimula ng grupo ni Saligumba. Hataw dito, hataw doon at naiiwang nakatunganga ang mga financiers ng pasugalan sa kanilang dadaanan. Subalit nagkamali si Saligumba nang banggain niya si Freddie, ang financier ng "sakla-patay" at si Len Aguado, ang nasa likod ng laganap na bookies, lotteng at iba pang klaseng sugal sa Pasay City. Ayon sa ulat na nakarating sa akin, minaso ng taga-GAB ang bahay ni Len Aguado, na tumawag naman kaagad ng padrino at presto, nakarating kay Buhain ang ala-martial law na ginawang raid. Hindi rin nagustuhan ni Buhain ang balitang tinatarahan ng mga tauhan niya ng tig-P10,000 ang mga gambling lords na na-raid nila. Kaya kinausap ni Buhain si Chief Supt. Ricardo Dapat ng CIDG na itinalaga ni PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao bilang anti-gambling czar at tagpas lahat ang leeg nina Saligumba at mga tauhan niya. He-he-he! Naunsiyami lahat ng pangarap ng matitigas ang ulo na grupo ni Saligumba, di ba mga suki?
Ito palang mga bataan ni Buhain ay taga-CIDG lahat. At sa galit ni Dapat, aba, malalayo ang narating nila, he-he-he! Outside CIDG lang naman. At bunga sa pagbuwag ng grupo ni Saligumba, stop operations sa ngayon ang GAB. Nagpahayag din si Buhain na sa susunod, ang gusto niya ay mga "big fish" ang papatulan at hindi yaong mga sugal lupa lamang. Kaya sa tingin ko sa ngayon, nakakahinga na nang maluwag sina Freddie at Len Aguado dahil hindi na sila katataluhin ng taga-GAB. Pero kuwidaw sina Freddie at Len Aguado at darating din ang panahon na aahon ang grupo ni Saligumba at tiyak sasakmalin ang illegal na negosyo nila sa "Sin City" ni Mayor Peewee Trinidad. He-he-he! Matatapos na ang termino nitong si Trinidad pero bagsak ang pangako niyang hanguin ang Pasay City sa taguring "Sin City", di ba mga suki?
Inamin ni Buhain na may relasyon siya kay Executive Sec. Eduardo Ermita subalit pinabulaanan niya na bagyo siya kay First Gentleman Mike Arroyo. Ipinapakiusap niya na huwag na sanang idawit pa ang pagkakamali ng kanyang tauhan kay FG Arroyo dahil marami na itong hinaharap na problema. Ayon pa kay Buhain, tinanggap niya ang GAB para makatulong kahit kapiranggot lang sa problema ng bansa at wala itong halong personalan. Hindi pa masabi ni Buhain kung kailan muli sila sasabak laban sa illegal gambling pero ayon sa mga tauhan niya, malapit na. Abangan!