Si Agustin ang ika-anim na mamamahayag na pinatay ngayong 2005. Isang linggo lang ang pagitan ni Agustin at ng broadcaster na si Klein Cantoneros. Binaril at napatay si Cantoneros noong May 4.
Bukod kina Agustin at Cantoneros, napatay din sina Edgar Amoro (February 2), Arnulfo Villanueva (February 28), Romeo Sanchez (March 9) at Marlene Esperat (March 24). Marami pang pinagtangkaang pataying journalists at mayroon din namang nakaligtas.
Nakababahala na ang sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag na parang manok na lang na binabaril ngayon. At sa kabila na maraming pinapatay na journalists, wala pa namang nadarakip na "utak". Blanko ang pulisya at nangangapa sa mga nangyaring pagpatay sa mga journalists.
Nang barilin ang matapang na si Marlene Esperat noong Huwebes Santo sa sarili niyang bahay, sinabi ng pulisya na tututukan nila ang kaso pero hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy kung sino ang nagpapatay sa kanya. Ang pagpatay kay Esperat ay may kaugnayan din sa katiwalian sa gobyerno na kanyang isiniwalat sa kanyang column. Binaril si Esperat sa harap mismo ng kanyang mga anak at ang masaklap, Huwebes Santo pa ito isinagawa.
Mabagal kumilos ang pulisya. Hindi kataka-taka kung marami sa mga mamamahayag ang naghahangad na magkaroon ng armas para proteksyon nila. Walang magawa ang PNP sa mga loose firearms. Ano nang nangyayari?
Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay isang malaking hamon sa hepe ng PNP.