Animoy batang sobra ang tigas ng ulo ng ilang pulis sa istasyong ito. Makailang beses na naming pinagsabihan at sinita sa kanilang mga kalokohan, pero sige pa rin ang mga kolokoy.
Kamakailan, isang biktima ang lumapit sa BITAG at isinumbong ang ilang operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Mandaluyong City Police.
Tulad ng bulok na diskarte ng ilang bulok na pulis, hulidap ang estilo ng mga ito.
Nakakatawa ang estilo ng operasyon ng grupong ito. Hindi kilala kung sino ang kanilang dadamputin. Tsambahan, ika nga.
Mula raw sa halagang P40,000 na naunang "piyansa" sa kasong drug pushing, ibinaba na lamang ito sa P18,000 matapos malaman ng mga masisipag na sina SPO4 Carlos Magat at SPO1 Vic Santos na nakapagsumbong na sa BITAG ang pamilya ng biktima.
Nakiusap pa raw ang mga magigiting na pulis na ito na aregluhin na lamang ang kaso ng biktima. Tutulong pa raw ang mga ito na pagaanin ang kaso kahit wala pa namang malinaw na kasong isasampa laban dito.
Nagmamadaling inareglo ang kaso bago pa man namin sila mapagplanuhan at tuluyang mahulog sa patibong ng aming BITAG.
Tsk-tsk-tsk! Mukhang walang kadala-dala ang mga masisibang pulis na ito. Kinakailangan pa yatang balikan ulit ng BITAG at sampolan sa kanilang bulok na diskarte.
Napag-alaman din namin na retirado na raw si SPO4 Magat pero patuloy pa rin itong dumidiskarte at dumidilehensya gamit ang pangalan ng Mandaluyong City Police.
Nagtataka tuloy kami kung sadyang pinapayagan ng kanilang Chief of Police ang sistemang ito o talagang nakalulusot lang ang ganitong sistema.