Habang ang mga maliliit na manggagawa ay nagtitiis sa kapiranggot na suweldo, marami namang opisyal ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) ang masagana ang pamumuhay. Namumutok ang kanilang bulsa sa laki ng sahod na kanilang tinatanggap. Hindi sila kabilang sa mga tinatawag na "naghihigpit ng sinturon". Hindi nila alam kung paano maghigpit ng sinturon sapagkat paldo lagi ang kanilang bulsa.
Isa ang Government Service Insurance System (GSIS) na may mga opisyal na malaki ang mga sahod. Nakalulula ang kanilang sahod at bukod diyan, marami pa silang benepisyo. Saganang-sagana ang mga GSIS officials sa "grasya". At nakapagtataka nga na patuloy sila sa tinatanggap na grasya sa kabila na may kautusan na si President Arroyo na bawasan ang suweldo ng mga GOCCs officials at kabilang diyan ang GSIS na pinamumunuan ni Winston Garcia bilang president and general manager.
Sumunod daw si Garcia sa kautusan ng Malacañang at ngayon ang suweldo na lamang niya ay may kabuuang P200,000 bawat buwan. Hindi na binanggit ang iba pang tinatanggap na benepisyo ni Garcia. Ilang beses na umanong nagpabawas sa kanyang sahod si Garcia. Pero tila hindi naman epektibo ang pagbabawas ni Garcia sapagkat maraming pasaway na kaopisyales niya ang nakahiga sa kasaganaan dahil sa malalaking suweldo. Mas malaki pa ngayon ang suweldo ng senior vice president ng GSIS na si Reynaldo Palmiery na nagkakahalaga ng P407,000 bawat buwan. Ang executive vice president na si Enriqueta Disuangco ay P257,703.97 at ang senior vice president na si Leticia Sagcal ay P216.825.52 samantalang ang mga officials na sina Benjamin Vibar at Alex Valencerina ay sumasahod ng P216,548.75 at P213,123.89 ayon sa pagkakasunod. Ang 27 vice presidents at senior assistants ay sumasahod naman mula P100,511.17 at P202,056.08 bawat buwan.
Nasaan na ang sinabi ni Mrs. Arroyo na kailangang magpakita ng halimbawa ang mga opisyal ng gobyerno? Susme!