Marahil ay hindi pa sumasagi sa isipan ng mga kinauukulan ang magiging epekto ng exodus ng mga Filipino nurses patungong ibang bansa. Darating ang panahon na kakaunti na lamang na mga nurses at mga doctor na nagiging nurses na rin ang maiiwan sa ating bansa. Ang bansa naman natin ang kukulangin sa mga mag-aalaga sa ating mga maysakit na katulad ng nangyayari ngayon sa ibang bansa.
Paiba-iba ang mga nababasa naming mga balita tungkol sa gaano karami ang pangangailangan sa mga nurses sa ibat ibang parte ng mundo. Sa dalawang artikulong nabasa ko, sa taong 2010, sa US pa lamang, ay mangangailangan na dito ng hindi kukulangin sa 200,000. Susmaryahosep, saan kaya kukunin ang mga nurses na ito? Kaya lang, siyempre, ang mga makukuha ay yun lamang magagaling sapagkat mayroong exams na dapat ipasa at dapat ring makalampas sa kondisyon at requirements ng US Board of Nursing na inaasahan kong maaaring malusutan ng karamihan sa ating mga Filipino nurses kung talagang tututukan nila ang kinakailangang gawin katulad ng pag-aaral ng pagsasalita at pag-unawa ng American English.
Sa paglilibot ko sa ibat ibang parte ng US, napag-alaman ko na ang mga hospitals at mga ibat ibang medical facilities sa Amerika ay kailangang-kailangan na ngayon ng 10,000 nurses na ang karamihan ay Pinoy ang gusto. May balita rin ako na libu-libo rin ang kailangang nurses sa England, Canada, Australia, Japan at iba pang bansa at ang puntirya ng mga ito ay mga Pinoy nurses.
Nakakapangilabot isipan lalo na sa mga katulad kong may edad na kung ano ang mangyayari sa ating mga mamamayan sa darating na mga taon. Magtitiis na lamang tayo marahil na manggamot na lamang ng sarili o sa albularyo na lamang tayo magpagamot at magpaalaga imbes na sa mga doctor at mga nurse. Hoy gising, GMA, Sec. of Health, Phil Medical Association, Phil, Dental Association, Phil. Nurses Association at mga NGO.