Kawalan ng pangil ng batas sa libreng pagpapaaral ng pamahalaan

HINDI na kami magpapatumpik tumpik pa, wala kaming pinipili at hindi kami namimili sa mga reklamong aming tinutugunan. Lalo na kung ang agrabyado rito ay ang maliliit nating mga kababayan.

Lumapit sa tanggapan ng BITAG at ng Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO ang mga magulang at ilang estudyante ng Taguig National High School (TNHS), ito’y upang ireklamo ang umano’y iregularidad na nangyayari sa kanilang eskuwelahan.

Sangkaterbang reklamo ang ipinarating ng mga magulang na ‘to na pawang opisyales ng General Parents Teacher’s Association (GPTA) ng Taguig National High School.

Reklamo nila ang bawat estudyante raw ay kinakailangang magbayad ng halagang P360 bilang tuition fee, P30 para sa steps at P10 naman para raw sa application form.

Sobra-sobra raw ang halagang ito na kung tutuusin ay lumabag na sa batas ng Department of Education na Free Public Secondary Education o ang R.A. 6655.

Sa pag-iimbestiga ng BAHALA SI TULFO at BITAG mula mismo sa opisina ng DepEd, tama ang lahat ng akusasyong binitiwan ng GPTA-TNHS.

Napag-alaman namin, merong dapat bayaran ngunit miscellaneous fee lamang ito at tanging ang GPTA ang magpapalabas nito. Maging ang breakdown ng nasabing bayarin.

Ayon sa DepEd, ang halagang P360, na miscellaneous fee ay malinaw na bawal, kung ikokonsidera ang pamumuhay ng mga estudyanteng pumapasok sa mga public schools.

Ipinakita rin ng mga nagrereklamo ang resibong ipinamimigay ninyo sa mga estudyante na may halagang P360, subalit ang problema wala itong breakdown.

Gumawa raw ng petition letter ang mga nagrereklamong magulang para ipadala sa tanggapan ng DepEd, subalit ang napag-initan ang pobreng mga estudyante.

Panawagan ng kolum na ’to sa DepEd, bigyan ng pangil ang batas sa ilalim ng R.A 6655, o libreng pag-pagpapa-enroll sa mga pampublikong paaralan. Malinaw na binabalahura ito ng mga opisyal ng naturang paaralan.

Show comments