Political will lang ang panlaban sa jueteng

IF there’s a will, there’s a way, anang matandang kasabihan. Imposible nga bang mabura sa balat ng lipunan ang jueteng? Posible kung guustuhin. Pero kung ang mga matataas na opisyal mismo ay nagmumuni-muni sa pakinabang sa ilegal na gawaing ito, malamang talaga na hindi mapuksa ito.

Nung panahon ni Robert Barbers bilang Kalihim ng DILG, maraming jueteng operators ang nagsitiklop. Ang iba’y nangibang bansa. Ibig sabihin, political will lang talaga ang kailangan kung nais nating masugpo ang talamak na ilegal na gawaing ito. Tumutukoy lang tayo ng case in point. Hindi tayo pumupuri kay Barbers. Kung matatawag na diktador si Barbers, siguro nga’y kailangan natin ang isang diktador sa gawaing ito para magkaroon ng kinatatakutan ang mga gambling lords.

Alam n’yo ba na pati ang kontrobersyal na obispong si Archbishop Oscar Cruz ay bilib kay Barbers sa krusada laban sa jueteng? Sa isang panayam, sinabi pa ng Obispo na "I’ll be happy if Barbers will be offered the posistion in the DILG and I hope he accepts it."

Sabi ni Cruz, ang aksyon mismo ni Presidente Arroyo ang importante para masugpo ang jueteng. Truly, this is an executive action and I couldn’t agree more with the archbishop. Sabi nga ng brod in faith ko na si Pastor Butch Belgica, hindi mga lokal na ehekutibo ang makasusugpo sa jueteng kundi ang pambansang pamahalaan.

Of course
, hawak ng pambansang pamahalaan ang pambansang pulisya at iba pang kailangang resources para masawata ang salot na ito. Pero bakit nga ba tila ayaw gumamit ng kamay na bakal ang administrasyon?

Kapag may bumabatikos sa administrasyon tulad ng mga obispo, hinggil sa pagkakasangkot ng mga opisyal ng gobyerno sa jueteng, sa halip na aksyon ay galit ang tugon. Sasabihin pang ito’y isang klase ng destabilisasyon. Panahon na para magpakita ng sinseridad ang gobyerno sa pagsugpo sa mga katiwalian sa lipunan.

Show comments