Isang pamilyang patungo sa Laguna na nakasakay sa FX ang niratrat ng Special Weapons and Tactics ng Navotas Police sa Dagat-dagatan, Caloocan. May holdapang naganap sa isang bakery at napagkamalan ng mga SWAT-Navotas ang mga nakasakay sa FX na mga holdapers. Walang sabi-sabing niratrat ng mga SWAT ang FX. Mabuti na lang at walang namatay o nasugatan sa mga sakay. Nagkabutas-butas ang tagiliran ng FX.
Sabi ng PNP hindi nila mapalalampas ang ginawa ng tatlong "bugok" na SWAT na kinabibilangan nina Police Officers 2 Rodelio Ramos, Pedro Reyes at Rigor Lyasol. Nangako rin ang PNP na tutulungan ang pamilyang niratrat. Dapat lang na ganyan ang kanilang gawin.
Halos kasabay nang pangraratrat sa Navotas, inihayag naman ng PNP na kulang nga sila sa baril. Inamin ito mismo ni PNP chief Director Gen. Arturo Lomibao. Mai-imagine raw kung paano makapanghahanting ng kriminal ang mga pulis na walang baril.
Nararapat lang na gawin yan. Paano makahaharap sa mga kriminal ang mga pulis kung walang baril? Delikadong humarap sa mga kriminal ang mga pulis lalo pa nga at malalakas na armas ang kargada ng mga halang ang kaluluwa. Isang halimbawa ay ang nangyaring panghoholdap at pagpatay sa mag-asawang Tsinoy sa Araneta Avenue, Quezon City noong Huwebes. Walang nakarespondeng mga pulis gayong ang lugar na pinangyarihan ng panghoholdap ay mataong lugar. Nagwithdraw ng pera sa banko ang mag-asawa at paglabas ay sinundan ng mga holdaper na naka-motorsiklo.
Maaaring wala ngang baril ang mga pulis kaya hindi agad nakaresponde. Kung reresponde sila na walang baril, malamang na sila ang maratrat. Dapat lang na bumili ng baril ang PNP.
Pero ang nakatatakot baka kapag dumami na ang baril ng PNP ay maging trigger happy naman ang mga pulis gaya nang nangyari sa Navotas.