EDITORYAL - Mag-abroad, magdasal o magnakaw

MARAMI ang nagnanakaw ngayon. Talamak ang holdapan, snatching, pandurukot at kung anu-ano pa. At karaniwang dahilan ng mga nahuhuling magnanakaw kung bakit sila nagnakaw, "dahil sa kahirapan". Ang iba ay nagsasabing wala raw silang makitang trabaho. May nagsasabing, nagawa nilang magnakaw para sa kanilang pamilya. Walang makain at kung anu-ano pang dahilan. Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 21 percent ang nagsabi na magagawa ng mahirap na Pinoy ang magnakaw para lamang makatawid sa kahirapan ng buhay. Nakababahala ang ganito kalaking porsiyento sapagkat kung patuloy pang mararanasan ang paghihirap, nakatatakot nang gabihin sa lansangan. Kung ngayon pa lamang na hindi pa gaanong sagad na sagad ang paghihirap ay marami nang nangyayaring madugong krimen, paano pa kung marami na ang lugmok sa kadahupan ang buhay.

Pero kahit na 21 porsiyento ang nagsasabing magnanakaw ang mahirap na Pinoy para makatawid sa buhay, marami pa rin naman ang optimistic na nagsasabing gaganda pa ang buhay sa kabila ng mga paghihirap. May nagsabi na magiging maganda ang kanilang buhay kung sila ay makapag-aabroad (26 percent). Sa kasalukuyan, dagsa pa rin ang mga nagtutungo sa Saudi Arabia, Hong Kong, Singapore, at iba pang bansa. Doon nila hinahanap ang kanilang kapalaran. Ang mga OFWs ang sumasagip sa naghihingalong ekonomiya ng bansa.

Marami rin naman ang nagsabi na magdarasal sila para tulungan ng Diyos na makaahon sa buhay. Lumabas na 25 percent ang nagsabing tutulungan sila ng Diyos para malampasan ang mga paghihirap. Naniniwala silang may pag-asa pa kung hihingi ng awa sa Diyos.

Maliit na porsiyento lamang (five percent) ang nagsabi na magsasagawa sila ng protesta sa gobyerno at 12 percent lamang ang nagsabi na susuporta sila sa mga magbabalak pabagsakin ang gobyerno. Ang mga nagbabakasakali sa mga game of chance kagaya ng lotto, sweepstakes at bingo at iba pang number games ay nine percent.

Pahirap pa nang pahirap ang buhay. Patuloy ang pagtaas ng mga bilihin samantalang nakapako ang suweldo. Napag-iwanan nang todo nang humataw ang pagtaas ng petroleum products. Kung magpapatuloy pa ang walang patumanggang pagtaas, tiyak na darami pa ang aangal sa hirap ng buhay. Kabuntot ay ang pagtaas ng kriminalidad at malalagay sa panganib ang buhay ng mamamayan.

Solusyunan ng gobyerno ang problema sa kahirapan sa lalong madalng panahon. Magkaroon ng direksiyon ang gobyerno sa problemang ito.

Show comments