^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Mala-pagong na hustisya

-
ISANG linggo na ang nakalilipas mula nang brutal na patayin si Foreign Affairs Assistant Secretary Alicia Ramos pero blanko pa rin ang kaso. Wala pang malinaw na lead ang kaso. Nangangapa pa rin ang Philippine National Police. Ngayo’y nakisawsaw na ang National Bureau of Investigation at malamang na lalo pang bumagal ang kaso. Di ba’t ganyan ang nangyari sa Nida Blanca murder case na hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. Habang dumarami ang nag-iimbestiga ay lalo lamang walang mangyari at lalo namang nasasaktan ang mga naulila ng biktima. Patuloy na nagdudugo ang sugat sa kawalan ng hustisya.

Hindi lamang ang Alicia Ramos at Nida Blanca murder case ang nananatiling pagong sa bagal kundi pati na rin ang pagpatay kay dating Pasig City Rep. Henry Lanot. Binaril si Lanot noong tanghali ng April 13, 2005 habang kumakain sa isang restawran sa Ortigas kasama ang mga kaibigan. Walang anumang lumapit kay Lanot ang gunman na nanggaling umano sa comfort room at binaril nang malapitan si Lanot. Napasubsob ang dating congressman sa mesang kinakainan samantalang pawang nasaklot ng takot ang mga kasamahan. Walang nakakilos sa pagkabigla. Walang anumang umalis ang gunman at naglaho nang parang bula. Nakapagtataka kung paano naipasok sa loob ng restawran ang baril. Ayon sa Pasig PNP, kilala na nila ang gunman at sa lalong madaling panahon ay maaaresto na. Sinabi rin ng Pasig PNP na hindi nag-iisa ang gunman sa pagpatay.

Malapit na raw maaresto ang suspect. Di ba’t nasabi na rin nila ito? Hanggang kailan maghihintay ng hustisya ang mga naulila ni Lanot? Hindi kaya ang pagpatay sa kanya ay maging katulad din ng iba pang kaso na natabunan na at inamag na dahil hindi malutas.

Hindi kaya matulad ang kaso ni Lanot sa ginawang pagpatay din sa PR man na si Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito may apat na taon na ang nakararaan. O matulad sa kaso ni Edgar Bentain na bigla na lamang nawala matapos mabulgar na siya ang nag-video kay Erap at Atong Ang habang naglalaro ng baccarat sa isang hotel? At paano ang mga pagpatay sa mga miyembro ng media na ang pinaka-huling biktima ay ang matapang na columnist na si Marlene Esperat.

Maraming naghihintay ng hustisya sa bansang ito. Karamihan sa kanila ay kabilang sa mga maliliit at kumakapit sa patalim. Nararamdaman nila na matagal makakuha ng hustisya sa bansang ito sapagkat walang kakayahan ang mga pulis na madaliin ang pag-iimbestiga. Nakakadismaya.

ALICIA RAMOS

ATONG ANG

BUBBY DACER

EDGAR BENTAIN

EMMANUEL CORBITO

FOREIGN AFFAIRS ASSISTANT SECRETARY ALICIA RAMOS

LANOT

NIDA BLANCA

WALANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with