Pero alam naman natin na hindi magpapahinga sina Randy Sy at Buboy Go para ikalat ang kani-kanilang makina na iniligpit sa Bulacan. Tiyak, may lugar naman silang pagkakalatan ng kanilang ilegal na negosyo para mabawi ang kita nila sa Buacan. Ang huling balitang nakarating sa akin, ang mga iniligpit na makina nina Randy Sy at Buboy Go ay inilipat lang sa Navotas at Malabon. Isang alyas Ogie ang namamahala ng mga makina nina Randy Sy at Buboy Go sa Navotas at Malabon, anang nakausap ko sa Western Police District (WPD). Inaabot ko sa ngayon ang operasyon ni Ogie sa Navotas at Malabon para iparating sa madlang people ang kanyang ilegal na negosyo. Kakalampagin kong muli si NCRPO chief Dep. Dir. Gen. Avelino Razon Jr. para makumpiska ang mga makina ni Ogie. He-he-he! Bilang na ang mga araw mo kaibigang Ogie.
Sa totoo lang, mula nang isiwalat ko rito ang video karera nina Randy Sy at Buboy Go sa Bulacan, inulan ako ng tawag ng mga taong gusto akong kausapin. Ang masama lang, may mga kasama ako sa hanapbuhay na gumigitna pa para sa mga nabanggit na video karera operators. Talagang naka-right connect sina Randy Sy at Buboy Go kayat may katwiran silang magyabang na walang balakid sa ilegal na negosyo nila dahil sa kinang ng lingguhang intelihensiya nila. Ang panawagan ko sa ngayon mga suki ay isumbong nyo sa akin ang kinaroroonan ng video karera nina Randy Sy at Buboy Go at tingnan natin kung hanggang saan ang kayabangan nila. Kung sa Maynila, inabot ng taon bago magsara ang video karera nila dahil sa inaanak ni Mayor Lito Atienza si Randy Sy, tinitiyak ko na sa ibang mga lugar, bibitiwan sila ng mga kontak nila. Napatunayan natin yan sa Bulacan, di ba mga suki?