Nanguna sa "Lason Awards 2005" ang Barrio Fiesta Restaurant sa Mandaluyong dahil sa kabiguang makapag-install ng waste-water treatment sa kabila nang paulit-ulit na pakiusap ng Pollution Adjudication Board at Department of Environment and Natural Resouces. Sumunod na awardees ang Robina Farms II sa Antipolo City, Rizal; Macro Funders Development Corp. sa Mandaluyong City; Euro Swiss Food sa Makati City; Goldilucks Steam Laundry sa Valenzuela City; IPI Distillery inc. sa Negros Oriental; Julu Cornstarch Corp. sa Davao City at Albay Agro Industrial Development Corp sa Albay.
Ang mga nabanggit na kompanya ay napatunayan ng DENR na hindi gumagamit ng environment protection systems at direkta nilang iniluluwa ang kanilang basurang tubig sa mga ilog. Ang basurang tubig na kanilang itinapon ang nagiging dahilan para malason ang ilog. Mayroon pa ba kayong nakitang malinaw na tubig sa mga ilog sa Metro Manila at mga karatig na lugar? Wala na. Sisihin ang walong kompanyang nabanggit dahil sa pagkamatay ng mga ilog. Ayon sa DENR karamihan sa walong kompanya ay may 10 taon na nilang binibigyan ng babala hinggil sa kanilang maling gawain subalit tila bingi na ang mga ito. Bingi o makapal ang mukha?
Naniniwala naman kami na malaki rin ang kasalanan ng mga walang disiplinang mamamayan sa pagka-pollute ng mga ilog. Tinatapunan nila ng basura ang mga ilog o sapa at ito ang dahilan kung bakit namamatay. Karamihan ng ilog sa Metro Manila ay stagnant na o hindi umaagos. Paano aagos gayong naging tambakan na ng basura?
Maganda ang layunin sa pagkakaloob ng annual "Lason Awards" sa mga kompanya. Tama lamang na hiyain ang mga kompanyang nagdudulot ng lason sa mga ilog. Kaya nga lang, mahiya kaya sila. Tablan kaya ang makapal nilang mukha?