Bawat ahensya ng gobierno ay inutusang magtipid.
Iba naman ang ginawa nitong si dating Department of Justice Secretary Merceditas Gutierrez na pagtitipid. Nung nasa DOJ pa ito nagpabili ito ng isang Mitsubishi Canter Rosa na 26 seater. Wow, ganda nyan mga kaibigan. Magkano naman ang presyo ng sasakyan na ito. Ayon sa aking source ito daw ay nagkakahalaga ng 2.5 Million Pesos. Wow ulit! Ang ganda rin ng presyo.
Bakit naman kailangan ng Department of Justice nung mga panahon na yun ng isang sasakyan na ganun ka laking halaga? Ha, Sec. Gutierrez?
May gulay, saan ba gagamitin yan? Importante ba talaga ang magkaroon ang DOJ ng isang Canter Rosa na 26 seater? Sa klase ng sasakyan na binili isang tingin mo lang, sa outing o field trip lang pwede gamitin yan.
For arguments sake, sige na nga, kailangan ni Sec. Gutierrez ng Mitsubishi-Canter Rosa para sa DOJ? Himayin naman natin kung paano nabili yan.
Ang ganito kalaking halaga na gamit na bibilhin para sa isang government agency ay dapat dumaan sa isang bidding. Either Public bidding or negotiated bidding. Iba itong Mitsubishi Canter-Rosa na ito. Hindi na kinailangang dumaan pa sa isang bidding. Ang ginawa ng Supply Officer ng DOJ na si Archilles Yulo, nagcanvass ito through telephone. Ayun, ang sipag pala nitong si Yulo na magtrabaho. Let your fingers do the walking ika nga. Dinayal niya ang telephone number ng Union Motors, Head Office sa Paco at nakipag-usap sa isang kliente. Di ba ang Paco at ang DOJ sa Padre Faura ay parehong nasa Manila lamang? Ang lapit lang nun.
Nagkasundo sa presyong gusto. Agad inireport ito kay Lady Boss. 2.5 Million Pesos ba kamo, Archie? Kayang-kaya gawan ng paraan yan! Ganun na nga ang ginawa ni Lady Mercy. Kumuha ng pera mula sa kanyang Intelligence Funds at inilipat sa Department of Budget and Management (DBM) para mailabas ang cheke. Record time ang lahat. One day lang it was a done deal.
Agad naman pinirmahan ni Sec. Gutierrez ang voucher para hindi na makawala pa ang luhong ito na magkaroon ng Mitsubishi Canter Rosa.
Binili ang minimithing Canter Rosa na yan. Puti ang kulay at 26 seater nga.
Was it morally right at sang-ayon ba naman yan sa directive na ibinigay ni PGMA na magtipid dahil merong fiscal crisis? 2.5 million pesos para sa isang Canter Rosa na hindi naman gagamitin service para sa mga empleayo ng DOJ na walang sasakyan.
Bakit hindi dinaan sa isang bidding o nagkaroon ng negotiated bid para mas mababa ang nakuhang presyo para sa ganung klaseng sasakyan? Bakit kinanvas lamang sa telepono at pagkatapos inaprubahan agad. Again, all these were done in record time of one day! Kung hindi nagmadali ang DOJ sa pagbili nyan, hindi bat mas maganda nagtanong din sa Toyota at Nissan tungkol sa presyo ng big vehicles nila baka mas mura, maganda na at higit na matibay?
Okay, tanggapin nating lahat yang mga bagay na yan. Nabili na yung Canter Rosa na yan for the price of 2.5 million pesos.
This purchase was cursed from the day it began.
Nakarma yata ang DOJ sa pagbili nito. Dinala papuntang Baguio yung Canter Rosa na yan ni Usec Ernesto Pineda. Habang pinapanik ang zigzag road ng Naguillan, biglang kumatok ang makina nitong 2.5 million pesos na sasakyan na ito.
MAY GULAY, BRAND NEW KUMATOK! What happened?
Gumawa ng Incidental Report kung saan naka detalye ang mga pangyayari kung bakit biglang nag-crank ang makina nitong Canter Rosa na ito. O kita niyo, hindi talaga para magamit ng mga empleayado ng DOJ yan kundi pang excursion talaga.
Hinila yung Canter papunta sa Baguio at ang huling report sa akin, hanggang ngayon nandun pa raw yung sasakyan. Ano na nangyari sa pera ni Juan na ginamit na pambili nitong maluhong sasakyan na ito. Kinatok na rin?
Ang Commission on Audit Head na naka-assign sa Department of Justice ay aking nakausap. Ayon kay Atty Lim sa kanya ang report daw ay dahil sa paggamit ng aircon nung Canter nagkaproblema ang makina nito kaya kumatok.
Ha, ano kamo? Paggamit ng aircon kaya kumatok? Hindi bat brand new yan? Kaya nga 2.5 million pesos ang gastos dyan. Dahil sa aircon kumatok. Katarantaduhan yan.
Nagpadala ako ng correspondent ng "CALVENTO FILES" para tanungin kung ano ba itong Mitsubishi Canter-Rosa na ito at mga features nito.
Mismo sa Union Motors kami nagtanong. Yung aircon niyan ay may sariling makina. It is totally independent from the engine and would not in any way affect the 4.2 displacement nung engine. Sa madaling salita, hindi valid yung dahilan na hindi nakayanan nung makina dahil naka aircon.
"Kahit nga nakapatay yung makina nyan, pwedeng patakbuhin yung aircon.1000cc yung aircon niyan at makikita niyo sa gilid nung body ng Canter, may exhaust yung aircon. Imposible naman kumatok yung makina nyan lalo na kung brand new yan," ayon sa aming kausap.
So what really happened dito sa sasakyan na ito? Bukod sa minadali ang pagbili nito, mataas ang presyo, kumatok pa! Ayaw ni PGMA ng ganyan. Sabagay, malakas naman itong si Sec. Gutierrez dahil kita mo, pagkatapos sa DOJ na-appoint naman siyang Chief Presidential Legal Counsel. Ang bigat mo naman, mam Mercy!
Teka, hindi naman kaya reconditioned ang biniling Canter na ito?
Babaybayin mo ang kahabaan ng Guadalupe, hanggang Balintawak, marami kang makikitang ibinebenta na reconditioned na Canter vehicles dyan. Ang body ay nagkakahalaga lamang ng P750,000 at yung makina naman ay P300,000. May guarantee din yan ng six months.Mga slightly used na sasakyan galing Korea, Taiwan at China na ginamit lang for less than 3 years tapos dinadala dito sa atin.
Sa mga pangyayari baka mas mabuti kung reconditioned ang binili na lang at baka hindi pa kumatok, Ano sa palagay ninyo?
Sec. Merceditas Guttierrez should be held liable for hastily procuring this vehicle. This lemon of a vehicle is now stuck in a repair shop at walang nakikinabang dito. Sayang ang perang ni-release mo agad, Sec. Gutierrez.
One more thing before I end this article, Sec. Gutierrez, wala ka bang intention ibalik yung Toyota Altis na ipinahiram sa iyo ng National Bureau of Investigation, ni Dir. Reynaldo Wycoco ngayong hindi ka na Secretary ng DOJ? Ipinahiram lang sa iyo yan. Maari ka namang manghiram sa Malacañang ng kotse sa bigat ng posisyon mo at ipagamit naman yan kay Usec Mac Lanto na kailangan ng service car
Isang high ranking NBI official ang nagsabi na personal na pinahiram raw ni Dir. Wykes yang sasakyan na yan kay Sec. Gutierrez. Personal na pera ba ni Dir. Wykes yan o sa NBI? Kung hindi kaya DOJ Secretary si Gutierrez, papahiramin kaya naman ng sasakyan ito ng NBI? Wala ka na sa DOJ dapat lamang ibalik mo sa NBI yan at para mahiram naman yan ng mga Usec ng DOJ. Marami ka namang pera.
Ang ganda ng seven storey building mo sa Taal St., Singalong, Manila. Marami ka pa yatang building na ganun sa Singalong. Kasama kaya sa Statements of Assets and Liabilities ni Sec. Gutierrez yan? Imbestigahan pa natin mga kaibigan!
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.