Nagtataka lang ako kung paano niya matagumpay na maisusulong ang layuning pagkaisahin ang lahat ng Kristiyano at pakikipag-dialog sa ibang pananampalataya. Kasi, napag-alaman natin na hardcore Catholic ang bagong Pope. Handang ipaglaban ang lahat ng doktrina ng Roman Catholic Church at naninindigang ang daan patungong kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng Simbahang Katoliko Romano. Tiyak, turn off na kaagad ang ibang mananampalataya. Baka ang ibig niyang sabihin sa "pagkakaisa" ay maging Katoliko lahat ang tao sa mundo para maligtas.
Anyway, sa ibang mga moral issues na pinaninindigan niyay walang dudang katig tayo. Parang iginuhit na ng tadhana ang pagkakahalal ng college of cardinals kay German Cardinal Joseph Ratzinger bilang bagong Papa.
Bago ilibing ang kanyang pinalitang si Pope John Paul II kamakailan, nanguna sa funeral mass si Ratzinger sa Vatican. Ang tingin ko sa kanyay mukhang Papa habang pinanonood ko sa telebisyon.
Biniro ko ang misis ko at sinabing, "halika rito at manood ka. May napili nang bagong Pope." "Niloloko mo naman ako eh. Ni hindi pa nga nag-uumpisa ang conclave ng mga cardinal" sagot niya.
Of course, nagbibiro lang ako. Pero hindi ko sukat akalain na nagmistula akong propeta sa pagsasabing siya ang bagong Papa kahit pabiro.
Sabi nilay close adviser si Ratzinger ng yumaong si JP II. Siya ang nagsilbing "dekano" ng mga cardinal sa panunungkulan ni JP II. Kaya daw madali ang pagkakahalal sa kanya ay sapagkat may habilin na raw ang pinalitan niyang Papa na siya ang hiranging susunod na Roman Pontiff.