Naghain ng kasong illegal dismissal si Nuez laban sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Ang kanyang kaso ay kinatigan ng Civil Service Commission at inatasan ang Pagcor na i-reinstate si Nuez. Nagtungo naman ang Pagcor sa CA at nakakuha ng temporary restraining order (TRO). Subalit inabot ng dalawang taon ay walang nangyari sa apela ni Nuez.
Pero "chicken" lang pala iyon sa clerk na si Apao. Si Apao ay 24 years nang nagtatrabaho sa CA. Kabisadung-kabisado na niya ang mga gagawin. At iyon ang ginawa niya kay Nuez. Masuwerte at may P1 milyon si Nuez. Kung wala siyang pera baka abutin ng 10 taon o mahigit pa ang paghihintay niya sa desisyon ng kanyang kaso.
Sinibak si Apao ng Supreme Court dahil sa ginawang pangungotong kay Nuez. Hindi na siya maaaring makapagtrabaho sa gobyerno at nabalewala ang kanyang 24 na taong pagtatrabaho sa CA. Pero hindi na nabatid ng SC kung ang pangungotong ni Apao kay Nuez ay kauna-unahan niyang ginawa o mayroon nang mga nauna pa. Kung may nauna, tiyak na malaki na ang kinita ni Apao sa pagbebenta ng hustisya at hindi na niya papansinin kahit na wala siyang natanggap na separation pay mula sa gobyerno.
Sabagay hindi lamang si Apao ang naging kontrobersiyal sa pagbebenta ng desisyon. Marami pang "hoodlums in robes" ang nagbebenta ng TRO at nababaligtad ang desisyon para pumabor sa may perang sinampahan o nagsampa ng kaso. Pera-pera lamang ang labanan sa judiciary. Kung tutuusin, "tinga" lamang si Apao kung ikukumpara sa mga "buwayang" huwes na naglipana sa kasalukuyan. Nadamay na rin ng kabulukan ang judiciary at kawawa ang napagkakaitan ng hustisya. Masuwerte ang mga may pera at maaring makabili ng hustisya. Paano kung wala? Tiyak mabibinbin ang kaso at ang iba ay nabubulok sa bilangguan at makamamatayan ang paghihintay sa minimithing katarungan.